Daughters of Saint Paul

Oktubre 30, 2017 Lunes sa Ika-30 Linggo ng Taon

LUCAS 13:10-17

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.

PAGNINILAY

Kapansin-pansin sa Ebanghelyo nang mga nagdaang araw, na binigyang-diin ni San Lukas ang kahalagahan ng pagsisisi.  Ngayon naman, ipinapakilala niya ang isang pagkukunwaring nangangailangan ng pagbabago.  Masyadong kasing abala ang pangulo ng sinagoga, na sundin ang bawat letra ng batas kaya naman nakaligtaan niya ang tunay na kahulugan nito.  Ang tanging nakita niya, ang pagsuway sa pahinga ng Sabat.  Hindi niya nakita ang paggaling ng isang babaeng maraming taon nang naghihirap.  Para sa kanya, ang babae isa lamang sa maraming mga mukha ng paghihirap na nakita niya.  Sa parte naman ng babae at iba pang naghihirap, tila wala siyang pagmamalasakit.  Mga kapatid, para kay Jesus ang babae anak rin ni Abraham.   Kaya naman mahalaga siya sa mata ng Diyos ng Israel na siyang nagbigay ng pahinga tuwing Sabat.  Maaari naman sanang kinabukasan na pagalingin ni Jesus ang babae, upang hindi Niya kailangang suwayin ang Sabat.  Pero para kay Jesus, hindi Niya mapapayagan ang isa pang araw ng paghihirap.  Kaya sa oras ding iyon pinagaling Niya ang babae.  Sa buhay mo ngayon kapatid, kapag may lumalapit ba sayo’ng nangangailangan, sinasabihan mo ba ito na bumalik na lamang kinabukasan, pagkatapos mong makapagpahinga, o pagkatapos mong magdasal?  May mga taong mas kinakalinga pa ang hayop kaysa sa tao.  Mayroong mas abala sa batas at kaayusan kaysa sa kalagayan ng mahihirap at mga kapuspalad.  Kagaya ka rin ba nila?