BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Purihin ang Diyos ng Sabat! Pasalamatan natin Siya sa Araw ng Pahinga na Kanyang itinakda para sa kapakanan ng tao. Ibinigay ng Diyos ang Araw ng Pahinga upang magdalang habag sa mga nangangailangan at lubos na nahihirapan. At hindi upang pahirapan ang mga tao sa pagtupad nito. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Labintatlo, talata sampu hanggang Labimpito.
EBANGHELYO: Lk 13:10-17
Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pangulo ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” Sinagot siya ng Panginoon: “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Pakicheck nga ang ating likod. Hukot ba tulad ng babae sa Mabuting Balita? Hukot physically, emotionally o spiritually. Ikaw lang ang makapagsasabi. Sobrang bigat ba ng iniinda mong sakit? Heart break ba? O mga sala na iyong nagawa na hanggang ngayon, nagdudusa ang iyong budhi? Pansinin natin, marami sa atin ang hindi prepared sa karamdaman. Madalas, we fail to admit that we are getting older. Kapag naharap naman tayo sa masakit na paghihiwalay, gusto nang kitilin ang sariling buhay. Kahirap umunat kapag bogged down na’ng spirit natin, dahil nahihiya tayong humingi ng tawad. Dito nagsisimula ang kalungkutan. Gusto nating maging manhid, pero sa puso natin parang may kuliglig. Kapatid, hindi ba’t ang karamdaman, kahinaan at kasalanan ang nagdadala sa atin sa sentro ng atensyon ng ating Panginoon? Tulad ng hukot na babae. Hindi naman siya ang tumawag kay Hesus., di ba? Si Hesus ang tumawag sa kanya. Pakinggan mo. I’m sure this time, tinatawag ka Niya.