EBANGHELYO: Lk 8:19-21
Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot s’ya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Rev. Oliver Vergel Occena Par ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang totoong kaibigan ay hindi “user” at “plastic.” Kapag totoo ang kaibigan, hindi s’ya mahihiyang pagsabihan ka kapag ikaw ay mali. Ang totoong kaibigan ay nagsasabi ng totoo, kahit masakit—hindi “plastic!” Dahil katotohanan at pag-ibig ang pundasyon ng tunay na pagkakaibigan./ Ganyan si Hesus. Pero si Hesus, hindi lang natin kaibigan: Kapatid natin s’ya! Kaya nga hindi natin dapat gawin na parang “magician” lamang si Hesus; yung tipong mabuti at masunurin lamang tayo sa mga payo n’ya, kapag may kailangan tayo. Kapag ganun kasi, hindi kapatid ang tawag dun. Tawag sa’yo: “user!”/ Mga kapatid, hindi lamang Diyos si Hesus. Higit sa lahat, kapatid natin siya! Siya ang ating “Kuya.” Lahat tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos dahil mga anak niya tayo, at sa ating binyag tayo ay tinatanggap ni Hesus bilang tunay na kapatid, dahil siya mismo ang nagbibinyag sa atin./ Gaya ng ating mga biological na kapatid, si Hesus ang nag-aakay sa atin at ating takbuhan sa tuwing puno tayo ng mga problema. Dahil siya ay ating “Kuya,” hindi lamang dapat tayo ang kanyang kinakamusta. Dapat tayo rin ang bumibisita sa kanya, at nangangamusta sa kanya./ Si Hesus ang ating panganay na kapatid kaya nakasisigurado tayong hindi niya tayo iiwanan, anumang mangyari. Siya ang ating “Kuya!”/
PANALANGIN:
Minamahal na Hesus, na aking kapatid, patawad sa mga pagkakataong nakalilimutan kong kamustahin ka sa aking mga panalangin; sa mga pagkakataong naaalala ka lamang sa tuwing ako ay may pangangailangan, sa mga pagkakataong ipinagpaliban kong bisitahin ka at kumain ng iyong kabanal-banalang handa sa Misa. Kailanman ay hindi mo ako iniwan sa kabila ng aking pagkukulang at kasalanan. Salamat po sayong kabutihan… Turuan mo akong makinig sa’yong payo at sundin ang utos ng Ama sa langit. Amen.