Daughters of Saint Paul

SEPTEMBER 24, 2020 – HUWEBES SA IKA-25 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:7-9

Nabalitaan ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayari at litung-lito s’ya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at ng iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita si s’ya.

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Brother Braindel Cabanog ng Diocese ng Paranaque.  Balita. Opinyon. Kwento. Ito ang mga hinahanap natin sa pagsisimula ng bagong umaga. Ano nga ba ang mga nangyayari sa aking paligid? Meron ba akong masisilayang “good news” sa radyo, TV o sa internet, o baka same old bad news pa rin? Nung nag-aaral pa ako, napapansin ko ito sa aking mga magulang habang sila ay nanonood ng TV o kapag sila ay nagbabasa ng dyaryo. Pero sa panahon ngayon ng social media, may isang kategorya ng balita na kailangan nating kilatisin: kung ito nga ba ay legit, or hindi? Sa ating Mabuting Balita ngayon, natunghayan natin ang reaksyon ni King Herod sa mga nabalitaan nya. Nalito sya kasi ang daming balita, opinyon, at kwento ang sinasabi sa kanya tungkol kay Hesus. At itong mga balitang ito ay nagpapaalala ng mga kwento ng nakaraan. Nakapagtataka ano, mga kapatid: imbes na ang balita ay fresh at bago, ang nababalitaan nya ay tila bagang luma pa rin. Pero sa kabila nito, naroon pa rin ang paghahangad ni Herod na malaman ang katotohanan. “Kaya ginusto nyang makita si Hesus.” Kapatid, hinahangad mo rin ba ang mensahe ng katotohanang hatid ng Mabuting Balita? Hinahangad mo rin ba ang katotohanang itinanim ng Diyos sa iyong pagkatao? Marahil sa ating pagtanda, marami na tayong nalaman tungkol sa ating sarili. Ang dami na rin nating na-discover about ourselves, mabuti man ito o hindi. At kung totoo man ang mga ito o hindi, may isang legit na balita ang Diyos na kailanman ay di natin maitatanggi: Mahal ka ng Diyos! Malito man tayo sa mga balitang ating naririnig araw-araw, patuloy nawa nating panghawakan ang totoo at legit na mensahe ng Mabuting Balita. Hingin natin ang gabay ni Maria, Tulong ng mga Kristiyano, na sa tuwing tayo ay nalilito at nawawalan na ng pag-asa sa mga nababalitaan natin sa ating mundo, tulungan nawa nya tayong ipadama ang katotohanang araw-araw ay mahal tayo ng Diyos. Amen.