Daughters of Saint Paul

Setyembre 10, 2016 SABADO Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Nicolas de Tolentino

Lk 6:43-49

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig.

            Bakit pa n’yo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ pero hindi n’yo naman tinutupad ang aking sinasabi?  Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon dahil mabuti ang pagkakatatag niyon.

            At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak.  Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”

REFLECTION

Mga kapatid, para sa mga unang Kristiyano ang pagtawag kay Jesus ng “Panginoon”, nagpapahayag ng paggalang sa Kanya bilang guro, katapatan sa Mesiyas, at pagsamba sa Tagapagligtas.  Sa bawat antas na ito, malinaw na ipinakikita na ang pagka-Panginoon ni Jesus, nagbibigay sa Kanya ng karapatan upang Siya’y sundin.  Dahil sa pagnanais ni Jesus na magkaroon ng malapit ng ugnayan sa Kanyang alagad, hinikayat Niya ang mga ito na kumilos ayon sa Kanyang mga salita, at hindi lamang ang basta sumunod sa mga regulasyon ng Judaismo.  Hindi Siya nasisiyahan sa pagka-alagad na batay lamang sa isang mababaw na relasyon sa Kanya.  Mga kapatid, ang pagsunod kay Jesus dapat nakabatay sa isang malalim at taimtim na ugnayan.  Ang pagtupad sa Kanyang mga itinuturo ang konkretong pagpapakita ng matalik na ugnayang ito.  “Hindi lahat ng nagsasabi ng, ‘Panginoon! Panginoon!’ papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit.”  Kapatid, kung tatanungin ka ni Kristo ngayon ng ganito: “Bakit Panginoon ang tawag Mo sa akin gayong hindi mo naman sinusunod ang aking kalooban?”  Ano ang itutugon mo?