Col. 1:24-2:3 Ps. 62:6-7,9 Lk 6:6-11
Lk 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
PAGNINILAY
Sa tagpo ng Ebanghelyong narinig natin, nautakan ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo. Gustong-gustong makakuha ng ebidensiya ng mga Pariseo upang maidiin nila ang Panginoon; pero nababasa ng Panginoon ang kanilang mga puso. Kaya naman sa halip na basta na lamang Niya pagalingin ang lalaking hindi maigalaw ang kanang kamay, ginamit ng Panginoon ang pagkakataong ito upang ipamukha sa mga Pariseo ang tunay na diwa ng Batas – at ito ang paggawa ng mabuti. Sa kabilang banda, ipinakikita rin sa Ebanghelyong ito, na masama ang magsawalang-kibo kung may nalalaman tayong paglabag sa karapatang pantao at pagsira sa kalikasan; kung pinagtatakpan natin ang katotohanang magbubunyag sa kasamaan o katiwalian; o kung may kakayahan naman tayong tumulong sa nangangailangan, pero hindi natin ginawa. Sin of omission ang tawag sa kawalan natin ng pakialam o pagsasawalang bahala natin sa kapwang nagdurusa. Anumang ginawa o hindi natin ginawa, na labag sa batas ng pagmamahal – sasagutin natin lahat ito sa Panginoon. Mga kapatid, pagmamahal ang tunay na diwa ng Batas. Hangad ng Panginoon na ito ang pairalin natin sa tuwing nahaharap tayo sa sitwasyon na kailangan nating mamili sa pagitan ng Batas ng Diyos at Batas ng tao. Dahil kapag sinunod natin ang Batas ng Diyos na nag-uugat sa pagmamahal, siguradong makabubuti ito sa taong nagawan natin ng mabuti. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong marunong magmahal… maunawaan ko nawa na pagmamahal Sa’yo at sa aking kapwa ang tunay na diwa ng Batas. Amen.