Blg 21:4b-9 – Slm 78 – Fil 2:6-11 – Jn 3:13-17
Jn 3:13-17
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”
PAGNINILAY
Kung babalikan natin ang kasaysayan ng ating kaligtasan, maaalala natin na isang puno ang sumira sa relasyon ng Diyos at ng tao. Nangyari ito sa hardin ng Eden nang kainin nina Adan at Eba ang bunga ng punong ipinagbabawal ng Diyos. Pero isang puno din ang naghatid sa atin ng buhay at kaligtasan. Ito ang kahoy na Krus ng ating Panginoong Jesukristo. Sa kapanahunan ni Jesus, itinuturing ng mga Judio ang krus bilang simbolo ng kahihiyan at pagkatalo. Walang katuturan ang krus para sa mga Hentil; kahiya-hiya naman ito para sa mga Judio. Madalas ang hinahatulang ipako sa krus – ang mga kriminal, mga rebelde, at alipin lamang. Si Jesus na di kailanman nagkasala, gumawa ng mga himala at maraming mabubuting bagay – ipinako sa krus kasama ng mga kriminal. Pero sa halip na kahihiyan at pagkatalo, iba ang naging bunga ng pagkamatay Niya sa Krus. Ang Krus ni Kristo ang sagisag ng tagumpay at kaligtasan ng lahat ng tao. Ito ang trono ng Anak ng Diyos na naghatid ng kaligtasan sa daigdig. Simbolo ito ng pagmamahal ng Diyos. Katunayan, makikita natin ang krus saan mang panig ng mundo na nakatayo at iginagalang. Sa bawat sandali ng ating buhay, buong galang tayong gumuguhit ng tanda ng krus sa ating katawan. Tanda ito ng ating pananampalataya, tanda ito ng isang panalangin, ng paghahandog, ng pagpupuri at pagsamba sa mapagmahal na Diyos. Mga kapatid, nang dahil sa atin buong pagmamahal na niyakap at pinasan ni Jesus ang Kanyang Krus. Matutunan din sana nating yakapin ang ating krus nang may pagmamahal at pagtitiwala. Manalangin tayo. Panginoon, alam ko po na nababatid Mo ang mga krus na pinagdadaanan ko ngayon sa buhay. Minsan nawawalan na po ako ng pag-asa. Pero pinalalakas ako ng aking pananalig na hinding-hindi N’yo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Isinusuko ko po Sa’yo ang aking sarili, nagsusumamong tulungan sa pagpasan ng aking krus nang may lubos na pagtitiwala at pagmamahal. Amen.