Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 17, 2019 – MARTES SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 7:11-17

Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay – ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Paginoon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.

PAGNINILAY:

Kapanalig, kailan mo ba huling naranasang umiyak sa harap ni Hesus habang nananalangin? Bilang tao natural na sa atin ang pag iyak, lalo na kung may pinagdadaanan tayong matinding suliran sa buhay.   Ang ating mga luha, nagpapatunay lamang na tayo’y totoo sa kung ano ang ating nararamdaman; matinding kasiyahan man o pagdurusa dulot ng mga suliranin sa buhay. Pero sa panahon ngayon, marami sa atin (…lalo na sa mga kabataan) ang tinuturing ang pag-iyak bilang simbolo ng kahinaan.   Kung kaya’t mas gugustuhin pa nating itago ang ating nararamdaman, kaysa makita tayo ng ibang tao na umiiyak. Nahihiya tayo at nakakahiya na makitaan tayo ng mga luha.  Sa Ebanghelyo ngayon, hindi man nasabi ng babaeng balo ang kagustuhan nitong mabuhay ulit ang kanyang anak, pero ang kanyang mga luha mismo ang nangusap kay Hesus at nag-udyok sa kanya para buhayin ang namatay anak.  Ang pagluha’y totoo namang simbolo ng kahinaan, pagdaralita at paghihirap sa buhay.  Pero ito ri’y taimtim na hibik ng isang pusong nagmamakaawa sa Diyos, nangungusap ng mga salitang, puso lang ang makauunawa.   Ang kailangan lang nating gawin, dalhin ito kay Hesus sa panalangin.  – Cl. Mark Anthony Benedict Puyong,  SSP

PANALANGIN:

Panginoon, nababatid Mo po ang mga pinagdadaanan kong pagsubok sa buhay.  Minsan, pinanghihinaan na ako ng loob at gusto nang sumuko… Sa’yong habag at awa, tulungan Mo po akong malagpasan ang mga suliraning kinakaharap ko ngayon.  Amen.