Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 18, 2019 – MIYERKULES SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 7:31-35

Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay – ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Paginoon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.

PAGNINILAY:

Minsan habang sakay ako ng bus at nababagot sa bigat ng traffic sa EDSA, narinig ko ang pag-uusap ng mag-ama na nakaupo sa likuran ko. Sabi ng maliit na bata, “Ang tagal-tagal naman gumalaw.” Sumagot ang ama, “Anak, antayin mong ikaw ang maging presidente ng Pilipinas.” Nangiti ako at napaisip. Sino nga kayang presidente ang makakalutas ng traffic sa EDSA? Kasi kahit sinong maging presidente ng Pilipinas parang may reklamo ang mga Pilipino. Sa simula pagkatapos ng eleksyon mabangong mabango sa mga tao ang iniluklok na pangulo pero ilang buwan lang ang lumipas, sinusunog na rin ng mga tao ang effigy nya sa plaza tuwing may mga rally. Ano ba talaga ang gusto nating mangyari? Sino ba talaga ang gusto nating paniwalaan? Para sa mga taong hindi marunong makuntento, walang lider ang magiging sapat kahit gaano pa sya kagaling. Para sa mga ayaw maniwala, walang paliwanag ang magiging sapat kahit pa ito ang katotohanan. Hindi ko rin alam kung paano ito masosolusyunan. Siguro kung bubuksan natin ang ating isip, magpapakumbaba tayo, at tatanggapin ang katotohanan na ang pagbabago, hindi lamang dapat iasa sa iisang tao kundi tungkulin ng bawat isa, maaaring umusad ang ating bansa. -Vhen Liboon

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo po kaming maging mabubuti at kapaki-pakinabang na mamamayan ng lipunan at ng simbahang aming kinabibilangan. Amen.