Daughters of Saint Paul

Setyembre 2, 2017 SABADO sa Ika-21 Linggo ng Taon

 

1 Cor 1:26-31 – Ps 33 – Mt. 25:14-30 

Mt. 25:14-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka siya umalis. Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng kanyang amo. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan silang magsulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi:  'Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.'  Sumagot ang amo:  'Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika't makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi:  'Panginoon, ipinagkatiwala mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo'y tumubo pa ako ng dalawang talento.'  Ang sabi ng amo:  'Mabuti, mabait at matapat na katulong dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika't makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: Panginooon alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Natakot ako kaya itinago ko ang iyong  talento sa lupa. Heto ang sa iyo.'  Ngunit sinagot siya ng kanyang amo:  'Masama walang kuwentang katulong alam mo pa lang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibinigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pangangalit ng ngipin.' ”

PAGNINILAY

Napapanahon ang mensahe ng Ebanghelyong ating narinig.  Sa mundong pinangingibabawan ng relativismo at makamundong pananaw – kung saan ang tao’y tila kumakawala na sa kamay ng Diyos, at gustong gawin ang anumang sa tingin niya ang tama – matindi ang paalala ng Panginoon. Hindi natin pag-aari ang ating buhay!  Tayo’y pawang katiwala lamang!  At lahat ng bagay na tinatamasa natin – ang ating kakayahan, ang ating trabaho, ang ating pamilya, bahay, mga ari-arian – hiram lamang sa Kanya.  Kaya wala tayong dapat ipagmalaki sa Diyos.  Sa halip lagi nating kilalanin ang ating katatayuan sa harap ng Diyos, na tayo’y Kanyang nilikha.  Kaya mamuhay tayo sa pasasalamat at kababaang-loob, at sikaping pagyamanin at gawing kapaki-pakinabang ang buhay natin, dahil sa kahuli-hulihan ng ating buhay, pananagutan natin ito sa Diyos.