Daughters of Saint Paul

Setyembre 3, 2017 Ika-22 LINGGO sa Karaniwang Panahon

 

Jer 20:7-9, Ps 63:2,3-4,5-6,8-9, Rom 12:1-2, Mt. 16:21-27

Mt 16:21-27

Ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala?  Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.

PAGNINILAY

Ayon sa kasabihan, “Sa bawat krisis, may oportunidad.”  Ibig sabihin, huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa tuwing humaharap tayo sa iba’t ibang uri ng krisis.  Dahil sa bawat karanasan natin ng krisis, gaano man ito kahirap – maaaring maging paraan para matuto at lumago.  Sa diwa ng kasabihang ito, higit nating mauunawaan ang sinabi ni Jesus sa ebanghelyo:  “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili, kunin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”  Mga kapatid, may mabuting maidudulot ang pagtalikod sa sarili sa paglago natin tungo sa kabanalan.  Ito ang pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Diyos kahit na ang pagsunod na ito, tila ba pagpapasan ng krus at pagtitiis ng hirap at sakit.  Totoong hindi madali ang pagtalikod sa sariling kagustuhan, dahil nangangahulugan ito ng pagsupil sa ating mga kasalanan at mga makamundong pinahahalagahan.  Tanging ang taong mapagpakumbaba at may pananampalataya ang makagagawa nito sa tulong at biyaya ng Panginoon.  Ang katotohanang ito, ibinubuod sa atin ng isang prepasyong pang-Kuwaresma na nagsasabing, “Sa aming kusang pagtitiis ng hirap tinutulungan mong aming maitumpak ang kinamihasnang pagsalungat sa pananagutang iyong itinaas.”  Manalangin tayo.  Panginoon, tulungan Mo po akong pakabanalin ang mga pagkakataong nakikibahagi ako sa pagpasan ng Iyong Krus.  Yakapin ko nawa ito nang may pagmamahal Amen.