Daughters of Saint Paul

Setyembre 4, 2017 LUNES sa Ika-22 Linggo ng Taon

Tes. 4:13-18, Ps. 96:1, 3,4-5,11-12,13, Lk 4:16-30

Lk 4:16-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang m-ga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.” At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Serepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.  

PAGNINILAY

Mga kapatid, bilang mga binyagang Kristiyano, sumasaatin na ang Banal na Espiritu. Pinahiran din tayo upang maging tagapaghatid ng Mabuting Balita sa mga dukha.  Masasabing tayo ang bagong Israel, ang bagong bayan ng Diyos!  Iniligtas tayo ng Ama sa kasalanan at kamatayan, sa pamamagitan ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Kanyang bugtong na Anak.  Ipinagkaloob na sa atin ng Panginoon ang lahat ng pamamaraan upang makamit natin ang mga bunga ng pagpapakasakit na ito.  Nariyan ang mga Sakramento, na daluyan ng mga biyaya ng Diyos. At ang Banal na Kasulatan na nagsisilbing gabay natin upang makapamuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos.  Pero kadalasa’y binabalewala natin ang mga espiritwal na biyayang ito, dahil abala tayo sa maraming bagay.  Hindi tayo nakapaglalaan ng panahong pahalagahan ang dakilang biyayang dulot nito sa ating buhay-pananampalataya.  Panginoon, maraming salamat po sa napakaraming biyayang espiritwal na patuloy Mong ipinagkakaloob sa akin.  Mapahalagahan ko nawa ang mga ito sa tulong at gabay ng Iyong Banal na Espiritu.  Amen.