Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 20, 2019 – BIYERNES SA IKA-24 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 8:1-3

Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.

PAGNINILAY:

Hindi matatawaran ang naging papel ng kababaihan sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko. Sa lipunang pinamumunuan ng kalalakihan, binigyang halaga ni Jesus ang mga kababaihang naging tapat na kasama niya at tagasunod. Marami sa mga apostol ang iniwan si Jesus at nagtago noong naghihirap siya sa kalbaryo. Pero buong tapang na sinamahan siya ng dalawang babaeng malapit sa puso niya, si Maria na kanyang ina, at si Maria Magdalena. Bukod kay Jesus, kinilala rin ni San Pablo Apostol ang papel ng kababaihan sa kanyang Sulat sa mga Taga-Galacia kabanata 3 bersikulo 28, “Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat, iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” Sa paglipas ng panahon, maraming kababaihan din ang nakilala sa iba’t ibang larangan sa lipunan at sa Simbahan. Ilan sa kanila sina Santa Teresa ng Avila, Santa Teresa ng Lisieux, at si Mother Teresa ng Calcutta. At sa modernong panahon, tunay na namamayagpag ang galing ng kababaihan na sumasabay na rin sa kakayahan ng mga kalalakihan. Dahil dito, hindi maiiwasang pukulin ng kontrobersya ang Simbahang Katoliko dahil nanatili sa mga lalaki ang karapatang maging pari. Ilang Santo Papa na ang nagtanggol ng posisyon ng Simbahan tungkol dito at isa sa pangunahing dahilan, ang pagiging tapat sa tradisyon na sinasaad sa Bibliya, tanging mga lalaki ang pinili ni Jesus upang maging mga apostol. Para sa akin, hindi mahalaga kung gaano kataas ang posisyon mo sa Simbahan, ang mahalaga, tapat kang naglilingkod nang buong puso at hindi naghihintay ng anumang kapalit. -Vhen Liboon