1 Tm 6:2c-12 – Slm 49:6-7.8-10.17-18.19-20 – Lk 8:1-3
Lk 8:1-3
Naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang Kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
PAGNINILAY
Napakalaki ng pagkakaiba ng katayuan ng mga babae sa pamilya at lipunan noong sinaunang Israel, at ng kanilang katayuan sa kasalukuyang panahon. Noo’y itinuturing sa Batas ni Moises na higit na mataas ang kalagayan ng lalaki kaysa babae. Ang katayuan ng babae, katulad ng sa isang bata. Ang nasasaklawan lamang ng kanyang impluwensiya, ang kanyang tungkulin bilang ina. Kaya’t masasabing malaking iskandalo para sa mga tao noong panahon ni Jesus ang pagsama sa kanya ng ilang babae sa paglalakbay habang tinutupad Niya ang Kanyang misyon. Pinapayagan noon ang mga babae na magbigay ng tulong tulad ng salapi at pagkain sa mga guro ng mga Judio pero hindi ang iwanan ang tahanan at tungkulin bilang maybahay. Mga kapatid, kay Jesus nakatagpo ng kagalingan ng kanilang katawan ang mga babaeng binabanggit sa Ebanghelyo. Iba’t iba ang uri ng buhay na kanilang pinagmulan at kasama ng mga alagad ni Jesus, inilalarawan nila ang Kaharian ng Diyos kung saan may pagkakaisa ang mga lalaki at mga babae, malusog at maysakit, mayaman at mahirap. Sa panahon natin ngayon, bigyang pansin natin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga babae sa pagbuo at pagtaguyod ng pamilya. Bagama’t magkatuwang ang mag-asawa sa gawaing ito, masasabi pa ring may katangi-tanging papel ang mga babae sa pag-aruga ng mga anak, sa pangangasiwa ng bahay at kabuhayan ng pamilya, sa pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng tahanan at higit sa lahat sa paghuhubog ng murang isipan ng mga bata tungkol sa kabutihang asal at pananalig sa Diyos. Sadyang napakahalagang tungkulin ito ng mga babae na kapag naisawalang bahala, nagiging dahilan ng problema sa pamilya. Kaya sa mga kapwa kong babaeng nakikinig ngayon, sa mga maybahay at ina ng tahanan – nakikibahagi po tayong lahat sa misyon ng Panginoon na maging mabubuting huwaran para sa ating mga anak o sa mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Pasalamatan natin ang Diyos sa napakalaking prebilihiyong ito at hilingin ang biyayang magampanan ang ating mga tungkulin nang naaayon sa Kanyang banal na kalooban.