Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 23, 2019 – LUNES SA IKA-25 NA LINGGO NG TAON | Paggunita kay San Pio de Pietrelcina, pari

EBANGHELYO:  LUCAS 8:16-18

Sinabi ni Jesus sa madla: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ila­lim ng higaan. Ipinapatong ito sa patu­ngan para makita ng mga puma­pasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabu­bunyag ni natatakpan na di ma­ha­hayag at malalantad. Ka­yat isip-isipin ninyo ang inyong nari­rinig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wala naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”

PAGNINILAY:

Napapanahon ang panawagan sa atin ng Ebanghelyo.  Sa mundong tila pinangingibabawan ng kadiliman dahil sa umiiral na sistema ng katiwalian, karahasan, kasakiman, kasinungalingan, pagkamakasarili, at pamumuhay ng immoral – matindi ang pangangailangan ng mga Kristiyanong magsisilbing ilaw sa gitna ng kadilimang ating nararanasan.  Mga Kristiyanong may matibay na pananampalataya at banal na pagkatakot sa Diyos.  Handang manindigan laban sa kasamaan at kadiliman sa ating lipunan. At lahat tayo, bilang mga binyagang Katolikong Kristiyano, inaanyayahan ng Panginoon na maging ilaw sa mga kapatid nating nadidimlan ng landas.  Pero para magawa natin ito, kinakailangang mamuhay tayo sa liwanag na nagmumula sa Panginoon.  Hindi tayo kailanman magiging ilaw sa ating kapwa, kung tayo din naman namumuhay sa dilim. Kaya para maging ilaw tayo sa sanlibutan, kinakailangang nakaugnay tayo sa pinagmumulan ng liwanag– ang Panginoong Jesus mismo, na Siyang Ilaw ng sanlibutan.  Sa pagtanggap natin ng Sakramento ng Binyag at kumpil, kinasihan tayo ng Kanyang Banal na Espiritu upang laging piliin ang tama at mabuti. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay na Salita nagagabayan tayo sa tamang pagdedesisyon na ayon sa Kanyang kalooban; at sa pamamagitan ng palagiang pakikipag-ugnay natin sa Kanya sa panalangin – napalalakas ang ating panlabang espiritwal upang huwag padadala sa agos ng kasamaan na umiiral sa lipunan.  Mga kapanalig, nasa sa atin na ang espiritwal na biyaya para maging ilaw ng sanlibutan. Ano ang ating tugon/ sa panawagang ito ng Panginoon? – Sr. Lines Salazar, fsp