Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 24, 2019 – MARTES SA IKA-25 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 8:19-21

Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”

PAGNINILAY:

Akala siguro ng mga kapatid o kamag-anak ni Jesus, mapapadali ang paglapit nila sa kanya kung isasama nila si Maria. Akala nila magkakaroon sila ng tinatawag na VIP access. Pero taliwas sa inaasahan, nagpatuloy lang sa pangangaral si Jesus. Sinabi niya na ang kanyang ina at kapatid ay yaong mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito. Alam ni Jesus na naiintindihan ng kanyang ina ang kanyang ginawa at hindi ito naghahangad ng atensyon para sa kanyang sarili. Tunay na likas kay Maria ang kababaang-loob. Kilalang-kilala niya ang kanyang anak. Alam niyang hindi gagawin ni Jesus ang hindi pagpansin sa kanila nang walang dahilan. Masaya siya sa atensyong tinatanggap ng kanyang anak at sinusuportahan niya ito sa anumang paraan na makayanan niya. Sa isang banda, hindi maliwanag kung ano ang intensyon ng mga kamag-anak ni Jesus sa pagnanais nilang lumapit sa kanya. Maaaring nag-aalala sila sa kanya dahil sa napapabalitang nangangaral siya ng taliwas sa itinuturo ng mga Pariseo. Kaya nais nilang isama na lang siya pabalik sa kanilang munting bayan at hikayatin siyang mamuhay nang tahimik bilang isang ordinaryong tao tulad nila. Nang hindi sila pagtuunan ng pansin ni Jesus, hindi malinaw kung ano ang kanilang naging reaksyon. Marahil may iba sa kanila ang nagtampo o sumama ang loob. Sa panahon natin ngayon, nagtatampo rin ba tayo o sumasama ang ating loob kapag hindi tayo napagtutuunan ng pansin ng ating mga kura paroko? Alalahanin natin na tayo’y iisang pamilya na, pamilyang pinagbuklod ng iisang pananampalataya. Suportahan natin ang bawat isa nang sa gayo’y maging matibay pa ang ating Inang Simbahan. -Vhen Liboon

PANALANGIN:

Panginoong Jesus, maraming salamat sa binigay ninyong pagkakataon na maging bahagi ng iyong pamilya. Nawa patuloy naming pakinggan at isabuhay ang mensahe ng Mabuting Balita, araw-araw. Amen.