Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 25, 2019 – MIYERKULES SA IKA-25 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 9:1-6

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ni tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.

PAGNINILAY:

Katulad ng mga apostol sa ebanghelyo ngayon, isinusugo tayo ng Diyos upang mamalakaya at inaanyayahan tayong bitawan ang kung anumang makakasagabal sa atin. Ang ating Panginoon ay Diyos ng biyaya at Diyos na hindi nagpapabaya. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na umalis sa ating kinatatayuan kung saan, komportable tayo. Ang paanyayang ito ay upang maipaabot natin sa ibang tao, lalung lalo na sa mga hindi nakakakilala sa Kanya, ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan. Sa panahon natin ngayon, maraming iba’t ibang paraan na ang maaari nating gawin upang abutin ang mga malalayo ang loob. Sa tulong ng mga makabago at mga pinakamabibilis na paraan, mas madali na nating maipahahayag ang Salita ng Diyos. Nariyan ang Facebook, Twitter, Instagram, Youtube at iba pang mga social media networks. Katulad ng programang ito na Mabuting Balita na mapapanood na sa Facebook at youtube, maaari na nating marating ang sinuman at saan mang sulok ng mundo upang ihatid ang Ebanghelyo. Kung iisipin, maaaring maliliit na bagay lamang ito, pero ang maliit na bagay na ito ang magbibigay ng magandang balita sa ilang taong nakakaranas ng hindi magandang araw. Maliit na bagay, pero, maaaring makapagpabago ng buhay.  Mga kapanalig, Pagtitiwala at pananampalataya ang dapat nating isagot sa paanyaya at pagsusugong ito sa atin ng Panginoon. Tiwalang kapag binitawan natin ang mga bagay na humahadlang at sumasagabal sa atin, papalitan Niya ito ng mga biyaya at pagpapala upang manatili tayo sa Kanyang pagtawag. Tumugon nawa tayo sa panawagang ito at siguradong hindi Niya tayo pababayaan. – Cl. Jay-pee Peña, SSP