Daughters of Saint Paul

Setyembre 26, 2016 LUNES Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Cosme at San Damian, mga martir

Lk 9:46-50

Nangyari na ikinabahala ng mga alagad kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila.  Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya.  At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.  At isa pa:  ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.”

            At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo.  Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.”  Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.” 

REFLECTION

Sa Ebanghelyong ating narinig parang nagpapaligsahan ang mga alagad ni Jesus sa pagtatanong sa Kanya kung sino sa kanila ang pinakadakila.  Nababasa naman ni Jesus kung ano ang nasa kanilang isip.  Bilang pagliliwanag, ginawang halimbawa ni Jesus ang isang bata.  Mga kapatid, ang bata ang kumakatawan sa mga maliliit ng lipunan, mga dukha, at mga walang karapatan.  Sila ang mga hinahamak at binabalewala ng mga tao.  Ang bata rin ang sagisag ng isang tunay na alagad ni Jesus.  Sumusunod siya sa Panginoon nang may pagtitiwala at umaasang hindi siya pababayaan nito.  Naglilingkod siya ng may kababaang-loob tulad ng ginawang paglilingkod ni Jesus.  Ulirang halimbawa nito ang ginawa niyang paghuhugas ng paa ng kanyang mga alagad noong Huling Hapunan.  Ito ang batayan ng kadakilaan sa Kaharian ng Diyos. Tunay na ang pamamaraan ng Diyos, iba sa pamamaraan nating mga tao.  Kung para sa atin ang dakila – mga taong mayayaman, sikat at may mataas na katungkulan sa lipunan – iba naman ang ipinapakilalang dakila sa’tin ni Jesus.  Mga taong maliliit katulad ng isang bata, walang sinabi sa lipunan – pero busilak ang puso, bukas sa pagtanggap ng biyaya ng Diyos at handang magpasakop sa Kanyang kalooban sa lahat ng pagkakataon.  Wala man siyang titulo o maipagmamalaking materyal na yaman, tanging ang pananampalataya sa Diyos na Lumikha ang kanyang tanging yaman.  Sa buhay mo ngayon kapatid, napagtanto mo na ba kung sino ang tunay na dakila sa mundo?  Manalangin tayo.  Panginoon, ituro mo po sa akin na ang daan ng pagpapakababa, at pagiging maliit sa Iyong harapan ang tunay na tanda ng kadakilaan.  Mapagsumikapan ko nawang kamtin ang kadakilaang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Iyong banal na kalooban.  Patatagin Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong masilaw sa mapang-akit na kadakilaan na pinapahalagahan ng mundo.  Amen.