Daughters of Saint Paul

Setyembre 27, 2016 MARTES Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Vicente de Paul

Lk 9:51-56

Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.

REFLECTION

Mga kapatid, isa na namang turo sa pagpapaka-Kristiyano ang mensahe sa atin ng Ebanghelyo ngayon.  Huwag tayo padadala sa ating galit; maging mapagtimpi at mahinahon sa pakikitungo sa taong ating kagalit; at huwag nating gagantihan ng isa pang masama ang kasamaang ginawa sa atin ng iba.  Marahil marami sa atin ang tataas ang kilay at di sang-ayon sa kaisipang ito. At marahil din sasabihin ng ilan sa atin na Diyos lamang ang may kakayahang gumawa nito. Dahil bilang tao, likas sa atin maghiganti, makipaglaban at ipamukha sa taong ating kagalit na labis tayong nasaktan.  At sa panahon natin ngayon, ngipin sa ngipin at pisngi sa pisngi ang laban.  Kaya tila di na uso at wala na sa bokabularyo ng marami sa’tin ang magpasensiya sa kahinaan ng iba, at palampasin ang kanilang pagkakamali.  Sabi nga ng ilan, binabaril na raw sa Luneta ang magpasensiya at magpakamartir kapag tayo’y naaapi.  Pero sa Ebanghelyo ngayon, pinagwikaan ni Jesus sina Jaime at Juan, nang kanilang sabihin na tatawag sila ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain ang Samaritano na ayaw tumanggap sa kanila.  Ibig sabihin, hangad ni Jesus na huwag nilang patulan ang mga Samaritano, sa halip pupunta na lamang sila sa ibang bayan.  Mga kapatid, ganitong gawi din ang nais ituro sa’tin ng Panginoon.  Sa halip na makipag-away at pahabain pa ang usapin nang di pagkakaintindihan, umiwas na lamang tayo.  Ang pag-iwas sa gulo at pagpapasensiya sa kahinaan ng iba, hindi tanda ng kahinaan.  Sa halip pagpapakita ito ng matatag na karakter na naka-ugat sa turo at kalooban ng Diyos.  Hindi natin ito magagawa kung aasa lamang tayo sa’ting sariling kakayahan.  Kailangan natin ang lakas at tulong na nagmumula sa Diyos para matuto tayong magtimpi, maging mahinahon at mapagpasensiya sa tuwing may nanghahamon sa’tin ng away.  Panginoon, lukuban nawa ako ng Iyong Banal na Espiritu nang maisabuhay ko ang hamon ng Ebanghelyo.  Amen.