Daughters of Saint Paul

Setyembre 28, 2016 – MIYERKULES Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir

Lk 9:57-62

Samantalang naglalakad sila, may taong nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang aking ama.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”

REFLECTION

Iwan mo ang lahat.  Ito ang buod ng ebanghelyo sa araw na ito.  Iba’t iba ang dahilan ng mga taong hindi kaagad makasunod kay Jesus.  Mayroong maglilibing muna sa kanyang mahal sa buhay.  Mayroon namang magpapaalam muna sa mga kasambahay.  Pero, walang mabuting dahilan para kay Kristo.  Napakahalaga ng pagsunod sa Kanya, at walang anumang bagay na maaaring makapigil dito – maging ito man para sa ikabubuti ng iba.  May nagsabi nga kay Jesus, “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.”  Isa itong pangako, pero sinumang nagnanais na sumunod kay Jesus, dapat na maging handang iwanan pati ang mga taong malapit sa kanya… maging ang kanyang sarili.  Hindi maaaring maging pangalawa lamang ang Panginoon sa ating listahan ng mga mahahalaga sa atin.  Hindi lamang siya ang dapat na mauna.  Sa halip, siya lamang ang dapat maging sentro ng ating buhay.  Sabi nga sa isang awit na pangliturhiya na hango sa Biblia:  “Saan ka man pumaroon, sasama ako… saan ka man maninirahan, doon ako mananatili… ang bayan mo magiging bayan ko… at ang Diyos mo, magiging Diyos ko.”  Kapatid, masasabi mo ba ito sa Panginoon?  Anong mga bagay ang handa mong iwanan para sa Panginoon?  Manalangin tayo.  Panginoon, itulot Mo pong Kayo ang maging sentro ng aking buhay… ang gawin kong pinaka-una sa hanay ng aking pinagkakaabalahan at pinaglalaanan ng panahon.  Dahil nagtitiwala po ako na lahat magiging maayos, masaya at mapayapa kapag Kayo ang inuna ko sa aking buhay.  Amen.