Daughters of Saint Paul

Setyembre 26, 2017 MARTES sa Ika-25 Linggo ng Taon / San Cosmas at Damian

Lk 8:19-21

Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”

PAGNINILAY

Narinig natin sa Ebanghelyo kung paano pinahalagahan ni Jesus ang Kanyang misyong ipalaganap ang pag-ibig ng Ama.  Kahit ang Kanyang sariling ina at kamag-anak, Kanyang iniwan maisakatuparan lamang ang Kanyang misyon.  Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na N’ya pinahahalagahan ang Kanyang pamilya.  Nakasisiguro lamang Siyang, higit kaninuman ang Kanyang ina ang pinaka-una sa pagsasabuhay ng Ebanghelyo.  Kaya’t noong sinabi N’yang, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at mga kapatid,” ipinahahayag din Niya na ang Kanyang inang si Maria, nandoroon na sa antas na iyon.  Katunayan, si Maria ang huwarang itinatanghal ni Jesus sa pagsasabuhay ng Salita ng Diyos.  Mga kapatid, ano naman ang mensaheng nais ipabatid ng Ebanghelyo sa atin?  Napakagandang isipin na sa pagsasabuhay natin sa Salita ng Diyos na ating pinagninilayan tuwing umaga, lalo nating napagtitibay ang ating relasyon kay Jesus bilang Kanyang mga kapatid. Masasabi nating matibay na ang relasyon natin sa Panginoon kung unti-unti na natin siyang natutularan – sa isip, sa salita at sa gawa.  Kung tayo’y namumuhay na bilang bagong Kristo na may kakayahang magmahal at magpatawad maging sa mga taong ayaw natin o nakasakit sa’ting damdamin.  Kapatid, ilang taon ka na bang nakikinig sa programang Bagong Umaga?  Mapalad ka sa pagkakaroon ng pagkakataong marinig ang Salita ng Diyos bago mo pasimulan ang maghapong paggawa.  Pero mayroon na ba itong bungang maaani sa’yong buhay?  Maaari ka na bang mapabilang sa sinasabi ni Jesus na Kanyang “ina at kapatid?”  Sa tulong ng Espiritung Banal, tingnan natin kung gaano na ba kalaki ang puno ng ating pananampalataya, at anong uri ng bunga mayroon ang pananampalatayang iyon.  Panginoon, marapatin Mo pong maisabuhay ko ang Iyong Salita.  Basbasan Mo ang aking mga pagsisikap na iayon ang aking buhay Sa’yong banal na kalooban.  Amen.