Ezr 9:5-9 Tb 13:2.3.3-4a.4befghn.7-8 Lk 9:1-6
Lk 9:1-6
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ni tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa sinabi ng Panginoon sa mga alagad na huwag magdadala ng anuman sa kanilang paglalakad, ni tungkod, supot, tinapay, salapi at tigalwang bihisan – nais Niyang turuan sila na lubos na magtiwala sa Kanyang kagandahang-loob. Hindi nga pababayaan ng Panginoon ang Kanyang mga sinugo na magutom at mapahamak habang nagsasagawa ng kanilang misyon. Lagi Siyang nagpapadala ng mga tao na tutulong upang maitaguyod ang Kanyang misyon. Kaya sa halip na mabalisa sa mga pangangailangang pisikal at materyal, higit dapat bigyang-pansin ng mga alagad ang paghahandang espiritwal. Ihanda ang sarili sa napakalaking misyon na ipahayag ang Kaharian ng Diyos. Bagamat binigyan na sila ng Panginoon ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga maysakit, kailangan pa rin nila itong patatagin at pagyamanin. Ayon nga kay Pope Francis, sa kanyang apostolikong pangaral na Evangelii Gaudium, ang sinumang gustong mangaral ng Salita ng Diyos, siya dapat ang maunang naliliwanagan at nagsasabuhay ng Salita ng Diyos na kanyang ipinangangaral. Hindi niya magagawa ito, kung hindi siya maglalaan ng sapat na panahong magdasal, mag-aral at magnilay ng Salita ng Diyos. Sa tulong ng Espiritung Banal, magiging marapat na tagapagpahayag ng Kaharian ng Diyos ang sinumang nagnanais na lumago sa pag-unawa ng Kanyang Salita. Mga kapatid, ngayong Taon ng Parokya at Pagbubuklod ng mga komunidad, ito ang nagpapatuloy na panawagan sa atin – na patatagin pa Basic Ecclesial Community sa pamamagitan ng sama-samang pagninilay ng Salita ng Diyos. Maglaan tayo ng sapat na panahong magdasal, mag-aral at magnilay ng Salita ng Diyos, upang maging bahagi ito ng ating buhay. Ang Salita ng Diyos ang nagpapalakas sa atin upang makatugon sa Kanyang utos na magmahal at magpakabanal, magpatawad at suklian ng kabutihan ang masamang ginawa sa atin. Hindi natin ito kayang gawin kung hindi tayo naka-ugnay sa Diyos ng pag-ibig, na walang hanggan ang pagmamahal sa atin.
