Daughters of Saint Paul

Setyembre 28, 2017 HUWEBES sa Ika-25 Linggo ng Taon / San Lorenzo Ruiz

 

Hg 1:1-8 Slm 149:1-b-2.3-4.5-6a, 9b Lk 9:7-9

Lk 9:7-9

Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko na si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

PAGNINILAY

Mga kapatid, hindi nakapagtatakang susundan at dadalawin tayo ng “multo” ng ating pagkakasala.  Patuloy itong gugulo sa ating isipan kung hindi natin ito maikukumpisal o maihingi ng tawad sa taong nagawan natin ng kasalanan.  Patuloy tayong gagambalain ng multo ng nakaraan, kung hindi natin haharapin ang epekto nito sa buhay natin sa ngayon. Ito ang nangyari kay Herodes.  Dahil pinapugutan niya ng ulo si Juan at may nababalitaan siyang nabuhay sa mga patay si Juan, di s’ya mapakali, dahil sa ginawa niyang kasalanan.  Ngayon naman, suriin natin ang ating sarili.  Ilan ba sa atin ang namumuhay nang may galit sa puso at hindi makapagpatawad?  Di ba, tayo ang di mapakali, di makatulog sa kaiisip ng paraan kung paano tayo makagaganti sa taong kagalit natin.  Samantalang ‘yung taong kagalit natin, malamang mahimbing ang tulog at walang kamalay-malay na galit tayo sa kanila.    Sino ang lugi sa sitwasyong ito?  Di ba tayo, na nagkikimkim ng galit at di makapagpatawad?  Hindi lang tayo binabagabag ng ating konsensiya sa kawalan natin ng pagpapatawad, maaari din itong maging sanhi ng ating pagkakasakit.  Ayon sa mga pag-aaral ang pagkimkim ng galit, isa sa mga sanhi ng sakit sa puso, cancer, diabetes, depression, alzheimer’s disease, at iba pa. Hahayaan ba nating umabot pa sa pagkakasakit ang pagkimkim natin ng galit?  Mga kapatid, ang lubusang pagpapatawad at paglimot sa mapait na karanasan ang magpapalaya sa atin sa multo ng nakaraan.  Pero hindi natin ito magagawa sa ganang atin lang.  Kailangan natin ang tulong at lakas ng nagmumula sa Banal na Espiritu upang makapagpatawad tayo sa mga taong nakasakit ng ating damdamin.  Kailangan nating magdasal at ipagdasal ang taong nakagawa sa atin ng kasalanan, nang sa gayon makamtan natin ang katiwasayan ng puso na nagmumula sa Panginoon.  Napakasarap mamuhay kung mapayapa ang ating samahan sa loob ng tahanan at pinagtatrabahuhan.  Mapayapa rin ang ating puso na siyang nagdudulot sa atin ng kasiyahan.  Panginoon, nagsusumamo po akong palayain Mo sa multo ng aking nakaraan na gumugulo pa rin sa aking isipan.  Patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong nagkasala ako Sa’yo at sa aking kapwa. Amen