Daughters of Saint Paul

Setyembre 29, 2017 BIYERNES sa Ika-25 Linggo ng Taon / San Miguel, Gabriel, at Rafael, mga arkanghel

 

Dn. 7:9-10.13-14 Slm 138:1-2ab.2cde-3.4-5 Jn 1:47-51

Jn 1:47-51

Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalin ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita n’yong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang mga arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel at San Rafael, mga tagapagdala ng Balita sa Biblia na kumakatawan sa kataas-taasang Diyos na mapaglingap at mapagmahal.  Ang pangalang Miguel nangangahulugang katulad ng Diyos. Siya ang patron ng mga tagapagtanggol o puwersang pansiguridad.   Ang pangalang Gabriel naman, lakas ng diyos; Siya ang patron ng telecommunications at postal service.  At ang pangalang Rafael, solusyon o kasagutan ng Diyos.  Siya ang patron ng mga manlalakbay at mga bulag.  Napaka-misteryoso ng presensya at trabaho ng mga arkanghel na ito, na mahirap maipaliwanag dahil hindi natin sila nakikita.  Masasabing ang mga Anghel, puspos ng kalinisan, makapangyarihan at matatalinong espiritu ng tao na mas makapangyarihan kaysa sinumang tao.  Nakikisangkot sila sa lahat ng mga nangyayari sa nilikha ng Diyos.  Masasabing ang impluwensiya ng mga anghel sa ating buhay, hindi matatawaran.  Mahalagang bahagi sila sa’ting buhay pananampalataya.  Sa Biblia, mahigit isandaang beses nabanggit ang mga anghel, at maraming beses sa buhay ni Kristo.  Mula sa pagsilang hanggang sa pag-akyat sa Langit ng Panginoon, laging may anghel na tumutulong at nagbabalita tungkol sa Kanyang buhay.  Sa kasalukuyang panahon, maraming tao ang hindi naniniwala sa mga anghel.  Nakakalungkot ito, dahil magiging bukas at mahina tayo sa paglaban sa kasamaan.  Mga kapatid, ang mga anghel ang nagtatanggol sa’tin sa kasamaan at ang nag-uudyok sa’ting laging mamuhay ng matuwid at kalugod-lugod sa Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos sa kanilang presensya sa’ting buhay.