EBANGHELYO: LUCAS 9:7-9
Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko na si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita si Jesus.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, nabagabag si Herodes sa balitang natanggap niya na makapangyarihan si Jesus sa salita at gawa – gumagawa ng maraming mga himala sa harap ng mga tao. Bali-balita tuloy na muling nabuhay si Juan Bautista. Ipinapatay ni Herodes si Juan Bautista at ngayon binabagabag siya ng kanyang konsensiya. Mga kapanalig, patunay ito sa katotohanan, na maitago man natin sa mata ng tao ang ginagawa nating kasalanan, hindi natin ito maitatago sa mata ng Diyos. Nalalaman ng Diyos ang lahat ng ating mga ginagawa – mabuti man o masama; ganun din ang ating mga iniisip at pinaplano. At alam na alam Niya rin ang nilalaman ng ating puso. Kaya sa tuwing nakagagawa tayo ng kasalanan sa Diyos o sa ating kapwa – hindi tayo matahimik, binabagabag tayo ng ating konsensiya. Dahil ang ating konsensiya ang tinig ng Diyos na nangungusap sa ating puso, na nagpapaalala sa atin na mali ang ginagawa natin. Kaya ang pagkabagabag ni Herodes sa Ebanghelyo ngayon, ay bunga ng kanyang ginawang pagpapatay kay Juan Bautista. Tila ba minumulto siya, na siya rin naman ang may kagagawan. Napaisip tuloy ako… sa dami ng mga pinaslang sa ating bansa dahil sa giyera ng pamahalaan laban sa droga, nakukunsensiya pa kaya ang mga taong pumapaslang, at nasa likod ng karumaldumal na pagpatay, na magpahanggang ngayon hindi pa rin nabibigyan ng katarungan? Patuloy pa rin ang mga pagpatay hanggang ngayon… At ang labis kong ikinalulungkot, marami na ang napatay sa drug war na ito, pero patuloy pa rin ang kalakaran ng droga sa Pilipinas, patuloy pa rin ang pagpasok ng malaking shipmentng droga sa ating bansa. Ang tanong, sino ba talaga ang mga nasa likod ng malaking drug tradena ito? Nakapanghihina mang isipin na parang wala ng solusyon ang problemang kinakaharap natin, pero taimtim akong nananalangin sa Diyos na sana’y wakasan na niya ang mga pagpaslang na nagaganap sa ating lipunan. Wala man akong magawang konkretong hakbang, kundi ang magdasal, pero nananalig ako, na ang Diyos pa rin ang may huling salita sa mga nangyayari sa ating bansa. Totoo na hindi natutulog ang Diyos. Hindi man nabigyan ng katarungan ang mga taong pinaslang, lalo na ang mga inosenteng nadamay, nananalig ako na ang Diyos ang magbibigay sa kanila ng katarungan. At hindi man mapanagot dito sa lupa ang mga taong pumapatay at nasa likod ng drug trade na ito, pananagutan naman nila ito sa harap ng Diyos, pagkatapos ng maikling buhay nila sa mundo. Makatarungan ang Diyos! Nalalaman Niya ang lahat! At wala tayong maililihim sa Kanya.