Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Pebrero 6, 2026 – Biyernes, Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mark 6:14-29

Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Hesus sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. Sinabi naman ng iba: “Si Elias nga ito. “Ito ay isang propeta gaya ng mga ibang propeta noon.” Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.”

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niya itong marinig.

At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, at sinumpaan pa niya ang pangakong ito. Ibibigay ko sayo anumang hingin mo kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi:” Gusto kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”

Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Hindi namatay si Juan Bautista dahil masama siya, kundi dahil nagsabi siya ng totoo. At ang duwag na Herodes, bagama’t kinilala niyang banal at matuwid si Juan, walang lakas ng loob na sundin ang tama.

Sa totoo lang po, kapatid/kapanalig may bakas din ng mga katangian ni Herodes sa ating sarili…minsan, wala tayong lakas ng loob na sundin ang tama…minsan hindi natin kayang manindigan sa katotohanan…sino po ang makaka-relate dito?

Alam natin kung ano ang tama, kung ano ang dapat gawin, pero minsan mas pinipili natin ang katahimikan kaysa katotohanan, ang magandang image natin kaysa prin-sipyo, ang palakpakan tayo kaysa boses ng ating konsensya. Natutuwa tayong makinig sa salita ng Diyos, pero nababagabag tayo kapag hinihingi na nitong magbago tayo.

Hindi lang ang pagpatay kay Juan ang trahedya ni Herodes — kundi ang pagkatalo ng kanyang konsensya. Isang maling desisyon ang sinundan ng isa pa: maling relasyon, maling pangako, maling takot sa sasabihin ng iba. Hanggang sa wala na siyang ibang magawa kundi ipahamak ang isang taong alam niyang inosente.

Kapatid/ kapanalig, malinaw ang hamon ng ebanghelyo: kanino ka mas takot—sa Diyos o sa tao? Ano ang mas mahalaga: ang image mo o ang katotohanan? Hanggang saan ka handang manindigan para sa tama? Kapag dumating ang sandaling kailangan mong pumili, magiging tulad ka ba ni Herodes—o ni Juan Bautista?

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul