Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 8, 2026 – Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda (A)

Ebanghelyo: Juan 4:5-42 

Dumating si Hesus sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Si Hesus dahil sa pagod sa paglalakbay ay basta na lamang naupo sa may bukal. Tanghaling tapat ang oras noon. May babaeng taga-Samaria na dumating upang sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Hesus: “Painumin mo ako.”

Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana: “Babaeng Samaritana ako at judio ka naman at hinihiling mong painumin kita?” (Sapagkat hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sinabi ni Hesus sa kanya: “Kung alam mo ang kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsalita sa iyong ‘Painumin mo ako!’ hiningan mo sana siya at bibigyan ka niya ng tubig na buhay.”

Sinabi sa kanya ng babae: “Ginoo wala kang panalok at malalim ang balon. Saan galing ang iyong tubig na buhay? Mas may kakayahan kaba kaysa ninuno naming si Jacob? Dahil siya ang nagbigay samin ng balon pagkatapos niyang uminom mula rito pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.” Sumagot si Hesus: “Mauuhaw uli ang uminom sa tubig na ito.

Ang uminom naman sa tubig na ibibigay ko sa kanya ay hinding hindi na mauuhaw. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, at bubukal ang tubig at magbubunga sa buhay na walang hanggan.” Sinabi sa kanya ng babae: “Ginoo ibigay mo sa akin ang tubig na ito at hindi na ako mauuhaw ni magpaparoo’t parito pa para sumalok dito.

“Alam ko na dumarating ang Mesiyas, na kung tawagi’y Pinahiran.  At pagdating niya, ipahahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Keiv Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay. Nauuhaw ka ba? Ano ang ginagawa natin kapag nauuhaw? Yes, umiinom ng tubig. Pero nagulat ako nung minsang nagpunta ako sa convenince store sa daming uri ng tubig. May mineral water, may purified at distilled, may alkaline, may ionized, mayroong may vitamins at yung isa may collagen pa. Hindi na lang pala para sa uhaw ang tubig, subalit para na rin sa iba’t ibang uri ng uhaw natin sa buhay.

Sinabi ni Hesus, ako ang tubig ng buhay. At kung sino man ang uminom nito ay hindi na mauuhaw. Hindi ba’t gusto din natin ito katulad ng babaeng Samaritano sa ating Ebanghelyo. Subalit ibang uhaw ang tinutugunan ni Hesus sa ating buhay. Uhaw sa pag-ibig, sa pagpapatawad, sa pag-unawa. At ito ang natagpuan ng babaeng Samaritano kay Hesus. Kaya agad niyang tinawag ang kanyang mga kababayan upang sila rin ay maka-inom nito mula sa katauhan ni Hesus. Maging daluyan nawa tayo ng pag-asa at kaligtasan para sa iba upang makatagpo rin nila si Hesus na Tubig ng Buhay.

  • Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul