Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 15, 2026 – Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Juan 9:1-41

Sa kanyang pagdaan, nakita ni Hesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Lumura si Hesus sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at ipinahid ang putik sa mga mata ng tao. At sinabi niya sa kanya: “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam.” Kaya pumunta siya at naghilamos at umalis na nakakakita.

Kaya sinabi ng mga kamag-anak niya at ng mga dating nakakita sa kanyang nagpapalimos: “Hindi ba ito ang nakaupo at namamalimos?” Sumagot ang iba: “Ito nga siya!” At ang iba naman: “Hindi! Kamukha lamang niya.” Ngunit nagsalita siya: “Ako nga!” Dinala nila siya na dating bulag sa mga Pariseo. Araw ng Pahinga noon nang gumawa si Hesus ng putik at nagpadilat sa kanyang mga mata.

Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung papano siya nakakita. Sumagot naman siya sa kanila: “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata naghilamos ako at nakakita.” Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.”

Ngunit sinabi naman ng iba, “Papaanong magagawa ng taong makasalanan ang ganitong mga tanda?” At nahati sila. Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, anong masasabi mo tungkol sa kanya sapagkat pinadilat niya ang iyong mga mata?” Kanya namang sinabi: “Siya ang Propeta!” Narinig ni Hesus  na ipinagtabuyan ng mga Pariseo ang bulag.

Pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot siya: “Sino siya ginoo para maniwala ako sa kanya?” Sinabi ni Hesus :“Nakikita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay. Kakaiba at sadyang kamangha-mangha ang milagrong ginawa ni Jesus para sa isang bulag. Pinadilat niya ang lalaki sa kakaibang pamamaraan. Karaniwan, ipinapatong ni Jesus ang palad niya sa ulo ng may karamdaman habang ipinapanalangin. Subalit kakaiba ang estilo ni Jesus sa pagpapadilat sa bulag. Lumura muna si Jesus sa lupa at gumawa ng putik saka niya ito ipinahid sa mata ng bulag. Pagkatapos, inutusan niya ang lalaki na pumunta sa deposito ng tubig sa Siloe. “Maghilamos ka roon,” wika ni Jesus.

Binigyang diin ni Juan, ang sumulat ng ebanghelyo, na ang kahulugan ng Siloe ay “Sinugo”. Sadyang makuhulugan ang detalyeng ito. Nais ilarawan ni Juan na ang lalaking dating bulag ay hindi lamang pinahiran ng tubig ngunit siya ay tunay na isinusugo ni Jesus na nagpakilala sa kanya bilang ilaw ng sanlibutan.

Nabulabog ang mga nakaalam sa himalang ito. Nagtalo ang mga tao kung ang lalaki nga ba ang dating bulag na namamalimos. Natigatig ang mga Pariseo dahil nangyari ang pagpapagaling sa araw ng Pamamahinga o Sabat kaya’t itinuturing nila na si Jesus at ang kapangyarihan niya ay hindi maaring buhat sa Diyos. Pati mga magulang ng lalaki ay ipinatawag at siniyasat kung totoo nga bang anak nila ang dating bulag.

Sa pagpasok ng Diyos sa buhay ng tao, papipiliin tayo kung handa ba tayong sumampalataya sa kanya at tanggapin siya bilang ilaw ng ating buhay, liwanag ng sanlibutan. Panginoong Jesus, turuan mo po kaming ibigay ang aming tiwala sa iyo at alisin mo ang mga agam-agam at mga pagdududa sa aming puso. Amen.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul