Ebanghelyo: Lucas 11:14-23
Minsa’y nagpapalayas si Hesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsasalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit.
Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang Kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul?
Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo, kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.
Kung nasasandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Subalit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa ebanghelyong narinig natin, ipinakita ni Jesus na ang Kanyang kapangyarihan ay nagmumula sa Diyos at hindi sa kasamaan. Sa kabila ng malinaw na kabutihang kanyang ginagawa – pagpapalaya sa mga inaalihan ng demonyo at pagpapagaling sa mga maysakit, may mga taong piniling magduda at baluktutin ang katotohanan. Ipinapaalala nito na minsan, hindi kaagad kinikilala ang kabutihan, lalo na kung sarado ang puso ng nakakakita nito. Inaanyayahan tayong pumili ng Mabuting Balita ngayon. Ang pagiging alagad ni Cristo ay nangangahulugan ng matibay na paninindigan at pagpanig sa liwanag, katotohanan, at pag-ibig. Kapag hinayaan nating maghari si Jesus sa ating puso, napapalayas ang takot, galit at kasamaan, at tunay na naghahari ang kaharian ng Diyos sa ating buhay.
Manalangin tayo: Panginoong Jesus, Ikaw ang tunay na Malakas at Makapangyarihan. Linisin Mo ang aming puso sa lahat ng takot, pagdududa, at kasamaan. Tulungan Mo kaming pumili ng panig Mo – ang panig ng liwanag, katotohanan, at pag-ibig. Nawa’y Ikaw ang maghari sa aming buhay upang ang Iyong Kaharian ay mahayag sa aming mga gawa at salita. Amen.
- Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul