Ebanghelyo: Juan 7:1-2, 10, 25-30
Naglibot si Hesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng mga kapatid nya sa piyesta, siya man ay umahon din pero palihim at hindi lantad. Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo at lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya.
Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Hesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko.
Sinugo ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Sa Ebanghelyo, makikita natin si Jesus na hindi agad nagpapakilala ng sarili ayon sa inaasahan ng tao. Tahimik Siyang kumikilos, hindi naghahanap ng papuri o kapangyarihan. Marami ang nalilito at nagtatanong: “Hindi ba ito ang hinahanap nilang patayin?” Ipinapakita nito kung paanong madalas hinuhusgahan si Hesus batay sa panlabas na kaalaman, hindi sa tunay na pagkakilala sa Kanya. Itinuturo sa atin ng Salita ng Diyos na ang tunay na misyon ay nagaganap ayon sa oras at kalooban ng Ama, hindi ayon sa kagustuhan ng tao. Kapag tunay nating kilala si Jesus, matututo tayong magtiwala sa plano ng Diyos kahit hindi ito agad malinaw. Ang pananampalataya ay hindi lamang pagkilala sa Kanya sa salita, kundi pagtanggap sa Kanyang layunin sa ating buhay.
Manalangin tayo: Banal na Espiritu, buksan mo ang aming puso, isipan at kalooban nang lubusan naming makilala ang aming sarili, at si Jesukristong aming Panginoon. Amen.
- Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul