Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 30, 2026 – Lunes Santo

Ebanghelyo: Juan 12:1-11

Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Hesus  sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Hesus  mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Hesus. 

Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Hesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito.  Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito?  Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlongdaang denaryo para maibigay sa mga dukha.” 

Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Hesus :  “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin.  Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.”

Marami sa mga Judio  ang nakaalam na naroon siya.  At dumating sila hindi dahil lamang kaya Hesus  kundi upang  makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay.  Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay lazaro, sapagkat marami sa Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Hesus.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Kapatid/kapanalig, mahilig ka bang magbilang ng mga naibigay mo sa Diyos? Pinanghihinayangan mo rin ba ang mga bagay na naialay mo sa Kanya? Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon ang panghihinayang ni Judas sa pabangong ibinuhos ni Maria sa paa ni Jesus. May point naman siya pero pagsasayang ba talaga ng resources ang pag-aalay sa Diyos o pagdonate sa simbahan? Matatandaan natin na binuhay ni Jesus ang kapatid ni Maria na si Lazaro na naging dahilan upang higit pang dumami ang naniniwala at sumusunod sa Kanya. Tiyak na tinatanaw itong malaking utang na loob ni Maria kay Jesus. Maaaring expression ng pasasalamat ang kanyang ginawa dahil ang buhay na kanyang kapatid ay higit pa sa halaga ng pabangong ibinuhos niya sa paa ni Jesus.

Kapatid/kapanalig, minsan madali tayong makalimot sa mga blessings na ipinagkaloob sa atin ng Diyos kaya nagkukulang tayo sa generosity. Nagiging kuripot tayong magbigay sa mga nangangailangan at maging sa simbahan. Kapatid/kapanalig, kapag nag-uumapaw ang puso sa pasasalamat at galak, hindi ito nagbibilang ng anumang naibigay. Masaya itong nagbibigay at nagbabahagi sa iba. Sana maging kagaya tayo ni Maria na hindi nagbibilang ng mga iniaalay sa Diyos. At maging gaya rin tayo ni Lazaro

 na nagsilbing daan upang mas marami pa ang lumapit at sumampalataya kay Jesus.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul