Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Hesus. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.”
Sumagot sa kanila si Hesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo” ‘? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos-ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo-bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan.
Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Hesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula.
At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.
Pagninilay:
Ibinahagi po si Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul sa ating pagninilay. Maaring naging malagim at madugo ang kinahantungan ng ebanghelyo sa araw na ito. Dumampot ng mga bato ang mga Judio hindi lamang para saktan at patahimikin si Jesus. Labis ang galit ng mga Judio kay Jesus at talagang hangad nila na patayin ito. Mabuti na lamang at pinakinggan ng madla ang magandang pangangatwiran ni Jesus. Para ipaunawa sa mga Judio na hindi nilalapastangan ni Jesus ang Diyos, ipinakita niya ang mahigpit niyang kaugnayan sa Diyos na tinawag niyang “Ama” sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Ayon kay Jesus, mismong mula sa Ama ang lahat ng mga magagandang bagay na kanyang ginawa. Sa paghahayag niya tungkol sa kaharian ng langit, at sa maraming mga himala na kanyang ginawa, lahat yaon ay bunga ng kanyang magandang ugnayan sa kanyang Ama.
Bukod sa pangangaral at mga himala, ang pangunahing gawain ni Jesus ay iligtas ang mga tao sa kasalanan. Hindi mga Judio, o mga Pariseo at Saduseo ang tunay na kalaban ni Jesus. Ang tunay na kalaban ni Jesus ay ang demonyo na nagbubuyo sa mga tao sa pagkakasala, at ang tunay na layon ni Jesus ay palayain ang mga tao sa pagkakasala at ibigay sa kanila ang buhay ng Diyos, ang buhay na malaya at tunay na kaligayahan.
Hindi matanggap ng mga Judio ang panawagan ni Jesus tungo sa pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan na bahagi ng kanyang pangangaral. Walang sinuman ang natutuwa kung tatawagin ang ating pansin mula sa ating pagkakamali o pagkakasala. Karaniwan tayong nagmamaang-maangan o di kaya’y matigas ang pagdipensa sa ating sarili. Hindi natin gusto na tayo’y pinakikialaman lalo na’t ipinamumukha sa atin ang ating pagkakamali.
Malapit nang makumpleto ang panahon ng Kuwaresma. Sa susunod na Linggo ay mga Mahal na Araw na. Sa mga naunang Linggo ng Kuwaresma, paulit-ulit ang panawagan sa pagsisisi ng ating mga kasalanan. May panahon pa para harapin natin nang buong tapang at kababaang-loob ang mga hadlang para makasunod tayo sa kalooban ng Diyos. Itakwil natin ang kadiliman na maaaring nananatili sa kalooban natin para matanggap natin ang liwanag ng Diyos sa muling pagkabuhay.
- Fr. Paul Marque, ssp l Society of St. Paul