Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 9, 2026 – Huwebes, Oktaba ng Pasko sa Pagkabuhay

Ebanghelyo: Lucas 24:35-48

          Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong Espiritu.

          Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?”

          At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda at pulot-pukyutan. Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan.

          Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: Kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Maligayang pasko ng pagkabuhay po, mga kapanalig! Sa Mabuting Balita ngayon, nagkukuwentuhan ang mga takot na alagad tungkol sa muling pagkabuhay ni Jesus—opo, kahit narinig na nila ang balita, naroon pa rin ang takot at pag-aalinlangan. At sa gitna ng kanilang kalituhan, biglang nagpakita si Jesus sa gitna nila at nagsabing, “Sumainyo ang kapayapaan.”

          Ganyan kumilos ang Diyos. Hindi Siya naghihintay na maging perpekto ang ating pananampalataya bago magpakita. Dumarating Siya sa gitna ng ating takot, duda, at saradong pinto.

          Akala nila multo. Minsan, ganoon din tayo—akala natin ilusyon lang o emosyon lang ang presensya ng Diyos. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang mga sugat. Hindi Niya itinago ang bakas ng Kanyang paghihirap. Ipinapaalala na hindi hiwalay sa sugat ng nakaraan ang muling nabuhay na Kristo. Ganundin, kapag inialay sa Kanya, nagiging patunay ng Kanyang kapangyarihan ang ating mga sugat.

Humingi pa talaga si Jesus ng pagkain at kumain sa harap nila. Isang simpleng kilos na may malalim na mensahe: nakikibahagi ang Diyos sa ating ordinaryong buhay. Hindi Siya malayo o abstract o guni-guni lamang. Kasama natin Siya sa hapag-kainan, sa pang-araw-araw na gawain, sa mga simpleng sandali.

          Pagkatapos, binuksan Niya ang kanilang isip upang maunawaan ang Kasulatan. Hindi lang presensya ang ibinigay ni Jesus kundi pag-unawa at misyon. “Kayo ang mga saksi.” Hindi lang sila saksi ng himala; kundi mga testigo at tagapagpatuloy ng kwento.

          Mga kapanalig, tinatawag tayong maging saksi—hindi sa pamamagitan ng perpektong buhay, kundi sa pamamagitan ng binagong puso. Sa tuwing nagpapatawad tayo, nagsisisi, nagsusumikap na iwaksi ang mga masasamang asal, at nagmamahal muli, ipinapahayag natin na buhay nga si Kristo.

          Kapag dumarating ang takot at duda, tandaan natin, kasama natin si Jesus sa ating paglalakbay araw-araw at ang katiyakan ng Kanyang tinig, “Sumainyo ang kapayapaan.”

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul