Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 6, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mateo 28:8-15

Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Hesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya.

Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”

Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari.

          Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo.

          Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.

Pagninilay:

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon! Sa ebanghelyo ngayon, nagmamadaling umalis ang mga babae sa libingan. Nakita nila ang anghel na nagsabing wala na roon si Jesus at nabuhay na siyang muli. Puno sila ng takot at galak na tumakbo para sabihin sa mga alagad ang mabuting balita. Pero sinalubong sila ni Hesus at binati: “Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sa Galilea, at makikita nila ako roon!”

Bakit unang nagpakita ang Panginoong muling nabuhay sa mga babae? Bakit hindi sa mga alagad? Pinili niya ang mga babae na sinasabi sa lipunan noon na hindi mapagkakatiwalaan sa korte. Ginawa niya silang pinaka-maasahang saksi sa pinakadakilang kaganapan sa kasaysayan. Sumalungat siya sa pamantayan ng lipunan upang ipakitang naparito siya para sa lahat. Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Galasia: “Walang Judio o Griego, walang alipin o malaya, walang lalaki at babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.”

Nakakalungkot lang na sa harap ng Mabuting Balita ng Pagkabuhay muli, pinili ng mga kawal at ng mga matatanda ng bayan na magsinungaling, at ipamalita ang panlilinlang na ito. Pinili nila ang pera at kapangyarihan, imbes na ang kalayaan at liwanag na hatid ni Hesukristo. Ikaw, kapatid/kapanalig, alin at sino ang pipiliin mo?

  • Sr. Rose Agtarao, fsp l Daughters of St. Paul