Ebanghelyo: Lucas 24:13-35
Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Hesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.
Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari doon nitong mga ilang araw?”, “Ano?”, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret.
Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito.
Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga Propeta, hindi ba’t kailangang magdusa ng ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati? At sinimulan nyang ipinaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta.
Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo doon sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Sebastian Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Mahilig ka ba sa surprises? Maaring karamihan sa atin ayaw ng surprises at may dahilan kung bakit ayaw natin ng surprises sa buhay. Pero ang Diyos, mahilig siya sa surprises. Nakita natin ito sa buhay nila Abraham at Sarah, Elizabeth at Zacariah. Sila ang mga taong sinurpresa ng Diyos nang biyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan.
Sa ating ebanghelyo, muling sinurpresa ni Hesus ang dalawang alagad na naglalakad patungong Emmaus. Nababalot ng kalungkutan at kabiguan ang dalawang alagad na ito dahil sa sinapit ni Hesus. Lumapit sa kanila si Hesus bilang istranghero at sumama siya patungong Emmaus. Habang naglalakad sila ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang tungkol sa buhay ni Hesus ayon sa Banal na Kasulatan. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay ito sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit bigla Siyang nawala at nawika nila: “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Mga kapatid, hindi lang sa Kasiyahan natin kasama ang Diyos. Kasama natin siya kahit sa kalungkutan at kabiguan. Si Hesus kahit na siya ay durog at pira-piraso, siya pa ang nagmamahal sa atin nang buo. Nararanasan natin ‘yan sa Banal na Eukaristiya. Mga kapatid, our God is a God of surprises. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat tapat ang Diyos palagi sa kanyang pangako. Maging bukas tayo palagi sa sorpresa ng Diyos.
- Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul