Ebanghelyo: Juan 6:1-15
Nagpunta si Hesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginawa niya sa mga maysakit. Kaya pagkatingala ni Hesus, nakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito?
Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam na niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.”
At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Hesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao.
Kaya kumuha ng mga tinapay si Hesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natirang piraso upang walang masayang.”
Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Hesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.”
At alam ni Hesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Habang nasa byahe ako pauwi sa probinsya, naaantig ang puso ko kapag nakakakita ako ng mga nangangalakal. Mas naaawa ako sa mga matatanda sa namamalimos. Kapos sila sa pera; kulang sa pagkain. Naaalala ko na sa Ebanghelyo natin ngayon, narinig natin ang malasakit ni Jesus sa mga nagugutom na mga tao. Hindi lamang Siya nagturo, kundi tumugon siya sa kongkretong pangangailangan ng mga tao. Maaaring hindi natin pansin ang limang tinapay at dalawang isda subalit ito ay naging sanhi upang ang mga tao ay hindi magutom.
Hindi nagkulang ang limang tinapay at dalawang isda sapagkat itinaas ito ni Jesus sa Kanyang Ama at dinasalan. Sa wakas, mula sa Kanyang mga kamay ang pagkain ay hindi nagkulang sa halip ay may natira pa.
Ang batang nag- alay ng kanyang baon ay nagtiwala kay Jesus upang mapakain ang marami. Matutupad din ang ganitong pangyayari sa ating panahon kung magbabahagi rin tayo ang ating konting yaman.
Ang himala ay nagsisimula sa pagtitiwala at pagbibigay. Si Jesus ang tunay na Tinapay ng Buhay. Lagi tayong kumapit at manalangin sa Kanya.
Panalangin:
Panginoong Jesus, Ikaw ang Tinapay ng Buhay, turuan Mo akong magtiwala kahit konti lang ang aking maibabahagi. Palakasin Mo ang aking pusong handang magbahagi. Pagpalain lagi ang aking konting alay. Amen.
- Sr. Edith Ledda, fsp | Daughters of St. Paul