Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Ganito kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.
Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag pero higit pang minamahal ng tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa.
Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay. Sino ang higit mong pinipili? Isang bagay ang sigurado: pinipili tayo palagi ng Diyos. Sa katunayan, Siya ang unang pumili sa atin. Hindi tayo ang unang nagmahal sa Kanya. Siya ang unang nagtiwala, unang nagbigay ng biyaya sa ating buhay—Siya ang unang pumili.
Kaya ang tanong ngayon ay simple ngunit malalim: Kung pinipili tayo ng Diyos, pinipili ba natin Siya? Madaling sabihin: “Opo naman, Father, pinipili ko ang Diyos.” Pero kung susuriin natin ang ating salita at gawa, ano ang mas nangingibabaw?
Sa Ebanghelyo narinig natin: “The light came into the world, but people preferred darkness to light, because their works were evil.” Dumating ang liwanag—si Jesus. Ngunit minsan mas pinipili pa rin natin ang dilim: ang galit kaysa pagpapatawad, ang pride kaysa pagpapakumbaba, ang sarili kaysa paglilingkod.
Mga kapanallig, ang pananampalataya ay hindi lamang sinasabi—pinipili ito araw-araw. Pinipili natin ang Diyos kapag pinipili natin ang katotohanan kaysa kasinungalingan.
Pinipili natin ang Diyos kapag pinipili natin ang pagmamahal kaysa galit.
Pinipili natin ang Diyos kapag pinipili natin ang liwanag kaysa dilim.
Kaya ngayon, inaanyayahan tayo ng Panginoon: lumapit sa liwanag. Sapagkat ang taong lumalakad sa liwanag hindi man perpekto—ay bukas sa pagbabago ng Diyos sa kanyang buhay. Hilingin natin ang biyaya na piliin ang Diyos hindi lamang sa salita, kundi sa gawa—araw-araw. Amen.
- Fr. Ramil Tapang, ssp | Society of St. Paul