Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 24, 2026 – Biyernes, Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne upang kainin?” Kaya sinabi ni Hesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban.

May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya.

Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno.

Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, nagtalo-talo ang mga Judio, “Paano tayo bibigyan ng taong ito ng kanyang laman para kainin?” Akala nila, literal na tao ang kakainin nila. Pero ang sinabi ni Hesus, kailangan natin Siyang tanggapin nang buong puso, buong pagkatao Niya, para tayo ay mabuhay. Sabi Niya, ang sinumang “kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo” ay mananatili sa Kanya, at Siya naman sa akin. Ibig sabihin, dapat nating yakapin si Hesus nang buong-buo, parang pagkain na hindi natin kayang mabuhay kung wala siya.

Si San Fidel ng Sigmaringen, na ipinagdiriwang natin ngayon, ay isang abogado na tumulong sa mahihirap kaya tinawag siyang “Abogado ng Mahihirap.” Pero nakita niya ang kasamaan sa paligid, kaya nagpasya siyang maging pari at Franciscano. Buong tapang niyang ipinangaral ang pananampalataya kahit naging delikado ang buhay niya. Namatay siya bilang martir at hanggang dulo, nanatili siyang tapat kay Hesus, ang kanyang “Tinapay ng Buhay.”

Minsan, natatakot tayo o naguguluhan katulad ng mga Judio dahil sa hirap ng buhay. Pero ang sinasabi lang ni San Fidel, kahit anong mangyari, mahirap man o masaya, kapit lang tayo kay Hesus. Ang pagtanggap sa Kanya sa Misa at sa ating puso ang magbibigay sa atin ng lakas para magtiis at umasa sa muling pagkabuhay. Kapanalig, paano mo maipapakita ngayong araw na si Hesus, ang Tinapay ng Buhay, ang iyong sandalan, at pagkain ng iyong kaluluwa?

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, bigyan Mo ako ng tapang na manatili sa ‘Yo, gaya ni San Fidel. Ikaw ang aking pagkain, ang aking lakas. Walang makapaghihiwalay sa atin. Amen.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul