Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 21, 2026 – Martes, Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:30-35

          Sinabi ng mga tao kay Hesus: “Anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’”

 “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay  na mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.”

 “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” ““Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”

Pagninilay:  

          Likas sa ating mga Pilipino ang pagkahilig sa pagkain at lalo na sa mga salu-salo. Nariyan ang mga handaan tuwing may birthday, fiesta, reunions, graduation at marami pang iba. Ang bawat okasyon ay kulang kung walang spaghetti o fried chicken o di kaya’y menudo at kaldereta. Sa mga pagkakataong ito, nagkikita muli ang mga matagal nang di nagkikitang magkakamag-anak o magkakaibigan. Sa paligid ng mga nakahaing putahe ay may tawanan at kantahan. Nauupdate ang isa’t isa sa kanilang mga buhay at gumagaan ang pakiramdam sa bawat kwentuhan. Mga kapanalig, araw-araw sa Banal na Misa ay may nakahanda rin sa ating piging upang pagsaluhan ang iisang Tinapay na makabubusog sa lahat ng ating gutom. Ang iisang Tinapay ng buhay na sagot sa lahat ng ating problema, kagalingan sa ating mga karamdaman at kaginhawahan sa lahat ng kapaguran. Si Hesus na Tinapay ng ating buhay ay piniling maging simple at ordinaryo upang di na tayo mahirapan pang hanapin siya. Buong araw sa ating mga simbahan, nariyan siya sa tabernakulo at tahimik na hinihintay na paglaanan ng oras mo. Tanggapin natin Siya araw-araw, at hayaang Siya ang bumusog sa ating puso. Aniya, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”

  • Sr. Raine Santos, fsp | Daughters of St. Paul