Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Hesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.”
Isinagot sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
“Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa aking kamay. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Divinia De Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Nakikilala mo ba si Hesus? Naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Sabi Niya: “Ang aking tupa ay nakikinig sa aking tinig; nakikilala ko sila at sumusunod sila sa akin.” Marami sa atin ang nagsasabi na Kristiyano ako. Ang salitang Kristiyano ay nagmumula sa salitang “Kristo” na ang ibig sabihin ay tagasunod ni Kristo. Maituturing ba nating tunay na Kristyano tayo sa ating pananalita at gawa?
Maraming iba’t ibang tinig tayong naririnig at kung minsan, hindi na natin marinig ang tinig ni Hesus upang sundan Siya. Nalulunod tayo sa ingay na panlabas dulot ng karahasan, ng digmaan, kawalan ng hustisya at kapayapaan, at pagkalat ng mga fake news. Kasabay nito ang ingay na panloob, mula sa ating sarili dulot ng pagkalito, matinding pagsubok, at kawalan ng pag-asa.
Higit kailanman, kailangan natin ngayon ang isang Mabuting Pastol, si Hesus, na nag-aanyaya sa ating makinig sa Kanya at sundan Siya. Kung nalilligaw tayo ng landas, tinatawag Niya tayong sumunod sa kanya tungo sa pagbabagong-buhay. Kasama natin Siya, upang magbigay-buhay sa atin kapag pinanghihinaan tayo ng loob. Napakagandang isipin ang mga huling sinabi ni Hesus: “Walang makakaagaw sa aking mga tupa sa kamay ng aking Ama. Ang Ama at ako ay iisa.” Totoo po, nasa kamay tayo ng Ama kung susundan natin si Hesus. At ang tunay na tagasunod ni Hesus ay nakikilala sa kanilang kakayahang makinig at sumunod sa Kanya. Handa ba akong makinig at sumunod kay Hesus?
Hilingin natin sa Banal na Espiritu na maulinigan natin ang Kanyang tinig tuwina:
“Banal na Espiritu, buksan Mo po aming puso at diwa na maging sensitibo sa tinig ng Mabuting Pastol, upang masundan namin Siya sa pagtahak sa tuwid na landas, tungo sa buhay na walang hanggan. Amen.”
- Sr. Divinia de Claro, fsp | Daughters of St. Paul