Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 16, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Juan 16:23b–28

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.

Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.

Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.”

Pagninilay:

Kapanalig, kelan ka ba huling humingi sa Diyos? Ibinigay ba Niya sa iyo? Napakaganda kasi ng sinasabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Humingi raw tayo at tayo ay bibigyan upang maging ganap ang ating galak. Ang ganda di ba? Nais ni Hesus na mapuspos tayo ng kagalakan kaya ibibigay Niya ang ating mga kahilingan. Subalit bakit minsan hindi naman ibinibigay ang ating hiling? Unawain natin ang sinasabi sa verse 26-27. Sabi rito darating ang araw na hindi na kailangan ni Hesus na pumagitna tuwing hihingi tayo sa Ama dahil mahal tayo ng Ama. Ibibigay ng Diyos Ama ang ating hinihiling dahil mahal nya tayo, dahil mahal natin si Hesus na Anak Nya at sumasampalataya tayo na si Hesus nga ay galing sa Ama. Kung ganon, maaaring kaya hindi natin natatanggap ang ating hiling at ang kaganapan ng kagalakan dahil kulang ang ating pananampalataya. Wala tayong maayos na relasyon sa Diyos at puro pansarili lamang ang ating mga iniisip. Tuwing hihingi tayo sa Diyos sa ating mga panalangin, kailangan din nating manahimik at hayaan si Hesus na magsalita sa atin. Kailangan nating makinig sa Kanya sa katahimikan ng ating kalooban. Minsan kasi ang ating hinihiling ay hindi naman pala makabubuti sa atin o kaya ay hindi pa natin kayang balikatin ang responsibilidad na kaakibat nito. Mas batid ng Diyos kung ano ang makabubuti para sa atin. Kailangan lamang natin magtiwala sa pagmamahal sa atin ng Diyos.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul
  • AUDIO not available