Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 14, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Juan 15:9-17

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal.

          “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.

           “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya.

           “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.

          “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

Pagninilay:

“Na-seen ka nga, hindi ka naman pinipili.” Masakit, ‘di ba? Ilang beses na nating naranasan ‘yan, sa barkada, sa pamilya, o kahit sa pag-ibig. Yung feeling na parang option ka lang, hindi priority. Kaya napapaisip tayo: “May pipili ba talaga sa akin? May mananatili ba?” Sa mundo napakabilis mag-unfollow at mag-let go, bihira ang nananatili.

Sa Ebanghelyo, malinaw ang sinabi ni Hesus: “Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili sa inyo.” Bago pa tayo magduda, bago pa tayo matakot maiwan, nauna na Siyang pumili. At hindi lang basta-bastang pagpili, tinawag Niya tayong kaibigan, friends. Hindi alipin, kundi kaibigan na alam ang puso ng Panginoon. Ang pundasyon ng ugnayang ito ay pag-ibig: “Manatili kayo sa aking pag-ibig.” Hindi ito kondisyonal o pabago-bago. Ito ay pag-ibig na handang mag-alay ng buhay. Ang utos Niya ay simple pero radikal: magmahalan tayo tulad ng pagmamahal Niya. Isang pag-ibig na nananatili, nagsasakripisyo, at namumunga.

Mga kapanalig, paano tayo tumutugon sa pag-ibig na ito? Madalas gusto nating piliin ang sarili nating paraan, pero iniiwasan natin ang hirap ng tunay na pagmamahal. Ang paanyaya ni Hesus ay manatili! Kahit mahirap, kahit walang kasiguruhan, kahit may sakit. Sapagkat ang tunay na kagalakan ay matatagpuan hindi sa pag-iwas sa sakit, kundi sa pananatili sa Kanyang pag-ibig.

Manalangin tayo. Panginoong Hesus, sa mundong puno ng pag-iwan, turuan Mo kaming manatili. Kapag kami’y natatakot, paalalahanan Mo kaming Ikaw ang unang pumili sa amin. Bigyan Mo kami ng pusong marunong magmahal tulad Mo: tapat, matiyaga, at handang mag-alay. Amen.

  • Cl Anjon Mamunta, ssp l Society of St. Paul