Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 29, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Marcos 11:11-26

Dumating si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ang Labindalawa.

          Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad.

          Pagkarating ni Hesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. At hindi niya pinayagan dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay.

          Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay? Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.”

          …At nang hapon na, muli silang lumabas sa lunsod.

          Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo hanggang-ugat ang punong-igos. Kaya naalala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.”

          At nagsalita si Hesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos. Sa totoo lang, sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: ‘Tumayo ka’t itapon ang iyong sarili sa dagat!’ at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinasabi, mangyari ito sa kanya.”

Pagninilay:

Sa pagsumpa ni Hesus sa puno ng igos na walang bunga ako’y inaanyayahang suriin ang aking sarili. Ako ba’y namumunga sa pananampalataya, o puro anyo lamang na tila may buhay ngunit walang laman? Inaasahan ng Diyos na magbunga ang aking buhay ng pag-ibig, kabutihan at paglilingkod.

Mga kapanalig, hindi sapat ang panlabas na anyo; dapat na tunay na nakaugat ang puso sa Kanya. Sa paglilinis ng templo, pinaaalalahanan tayong igalang ang banal na tahanan ng Diyos. Ang templo ay lugar ng pananalangin, hindi ng pansariling kapakinabangan. Ngunit higit pa rito, tayo mismo ang templo ng Diyos na dapat maging malinis at banal. Hindi natin makakayanang gawin ito. Kaya naman sinasabi ni Hesus sa atin: “Manalig kayo sa Diyos. Anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo.”

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, salamat po sa Iyong Salita na nagbibigay liwanag sa aking buhay. Turuan Mo po akong mamunga ng kabutihan, kabanalan at tunay na pananampalataya. Amen.

  • Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul