Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 1, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Marcos 12:1-12

          Nagsimulang magsalita si Jesus sa talinghaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.

          Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba.

          “Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At pinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.

          “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya’t lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panukulang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang aking nakita.” 

          Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinghagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.

 

Pagninilay:

Kapanalig, ilang beses na ninyong binigo ang isang taong mahal ninyo, pero patuloy pa rin siyang naniwala sa inyo? Hindi mahirap unawain ang talinhaga sa Mabuting Balita ngayon. Ang ubasan ang mundo. Ang may-ari ang Diyos Ama. Tayo ang mga magsasaka. At ang Minamahal na Anak na hinuli at pinatay si Jesucristo. Malalim at personal ang tanong ni Jesus: “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” Tinatanong niya tayo kung ano ang pagtingin natin sa Diyos. Galit ba siya? Parurusahan ba niya tayo? Pero ano ang ginawa ng may-ari sa talinhaga? Sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng mga magsasaka, paulit-ulit siyang nagpadala ng mga katulong. At pagkatapos, ipinadala niya ang kanyang anak. Napaka-pasensiyoso niya. Napaka-mapagmahal.

Tinutulungan tayo ni San Justino, isang martir, na ipinagdiriwang natin ngayon na mas maunawaan ito. Isa siyang pilosopo noong ikadalawang siglo, matalino, at naghahanap ng katotohanan. Pinag-aralan niya ang iba’t ibang bukal ng karunungan, hanggang sa makilala niya ang isang matandang lalaki sa dalampasigan na nagturo sa kanya tungkol kay Kristo. Sabi ni San Justino: “ang katotohanang hinahanap ng bawat tao ay si Jesus.” Hindi niya itinago ang kanyang pananampalataya kahit na alam niyang mapanganib ito. Pinatay siya dahil dito. Tulad ng may-ari ng ubasan, hindi sumuko ang Diyos kay Justino. Patuloy siyang nagpadala ng mga senyales, mga guro, at mga kaibigan, hanggang sa buksan ni Justino ang kanyang puso.

Sa ating buhay, hindi tumitigil ang Diyos sa pagpapadala ng mga biyaya upang mapalapit tayo sa kanya: sa isang kaibigang karamay nating humarap sa mabigat na pagsubok, sa isang salitang nakaantig sa ating puso, sa isang himig na nagpapaalala sa atin na hindi tayo nag-iisa. Iyon ang masuyong tawag ng Ama. Iniimbitahan niya tayo nang hindi sapilitan, hindi nananakot, kundi mapagmahal.

Kaya naman, bago ka matulog mamayang gabi, tanungin mo ang iyong sarili: “Sino o anong bagay ang ipinadala ng Diyos sa akin ngayon upang makilala ko siya nang lubusan?” Imulat natin ang ating mga mata, isipan, at puso at sabihin: “Narito ako, Panginoon. Handa na akong makinig.” Amen.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul