Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 1, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Mateo 8:28-34

Pagdating ni Hesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Hesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Hesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

Pagninilay:

Pinagaling ni Hesus ang dalawang taong inaalihan ng demonyo. Naging mabait sila at hindi na nang-istorbo. Dapat natuwa ang mga taga-roon at nagpasalamat kay Hesus, di ba? Ngunit, hindi! Pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang lupain dahil nakita nila ang nangyari sa kawan ng mga baboy at pagkalugi ng may-ari nito. Kung manatili si Hesus doon, baka ano pa ang gawin niya na makakasira sa kanilang hanapbuhay! Hindi mahalaga sa kanila ang kagalingan ng kanilang kababayan. Mas mahalaga ang kanilang ari-arian. Hindi ba nangyayari rin iyan sa atin ngayon, kapanalig? Ang mga proyekto na makakatulong sa pagtataas ng dignidad ng tao ay sinasalungat ng mga may negosyong maapektuhan nito. At ang mga nagpo-promote ng human dignity ay inuusig. Kaya pinanghihinaan ng loob ang mga gustong tumulong sa mga mahihirap. Nagbigay si Hesus sa atin ng halimbawa. Ibinalik niya ang dignidad ng dalawang lalaking pagano. Pinahalagahan niya ang dignidad ng tao. Wala na ngang nagpasalamat sa ginawa niya, pinaalis pa siya! Tayo rin ay inaanyayahan ng Espiritu ng Diyos na tularan si Hesus; pahalagahan ang kapwa-tao, suportahan ang mga naninindigan sa kapakanan ng tao. Tulad ni Hesus sikapin nating maging instrumento sa pagpapalaya sa mga kapatid nating nakagapos sa tanikala ng yaman at kapangyarihan. Paano? Sa pamamagitan ng panalangin at sakripisyo.

Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo po kami ng lakas ng loob. Manaig sana sa amin ang pagmamahal sa kapwa kaysa ang tukso ng kayamanang makamundo. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St . Paul