Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 24, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 13:18-23

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Makinig kayo ngayon sa talinghaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ng salita. Ang buto namang nahasik sa matatabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

Pagninilay:

Kapanalig, mahilig ka bang maghalaman? Hilig namin iyan ng aking yumaong asawa. Kaya nga nung nag-retire siya, bumili kami ng farm para pagtaniman at pagyamanin. Alagang-alaga sa fertilizer, patubig at spray kontra nakakapinsalang mga insekto ang mga puno. Pero sa totoo lang, hindi lahat ng puno ay hitik na hitik sa bunga, kahit pa todo-alaga. Bakit kaya di pare-pareho? May mga puno na nilalanggam pa rin; o inuuod ang mga dahon. Dahil dito, ang ani sa mga puno ay di pare-pareho.

Tulad ng Mabuting Balita sa araw na ito, ang binhing naitanim sa mabuting lupa ay nagbubunga ng tig-iisang daan, tig-aanimnapu at tig-tatatlumpu. Bakit kaya hindi pare-pareho? Nakikinig naman tayo sa salita ng Diyos at naniniwala dito; may matibay tayong pananalig at may matatag na buhay panalangin; taos-puso rin nating sinusunod ang kautusan ng Panginoon. Bakit kaya hindi pare-pareho ang bunga?

Kung susuriin natin kapanalig, minsan may kulang pa rin tayo, lalo na sa pagmamahal sa kapwa… sa paninindigan para sa katotohanan … sa pakikiramay sa mga inaapi at nasa laylayan ng lipunan. Kitang-kita natin ang talamak na korupsiyon at dishonesty sa gobyerno. Obvious na obvious na self-serving ang iba nating mga lider. Pero di tayo kumikibo kahit na nanggigigil tayo. Takot tayong maki-alam… at baka mapag-initan. O kaya, kulang tayo sa paninindigan. Ipagdadasal na lang natin ang lahat ng ito… Mabuti ang magdasal! Pero mas maiging magdasal at kumilos! Magsalita! Iparamdam sa kinauukulan ang kanilang mga pagkukulang.

Ang ating Ama sa Langit ay laging nakamasid sa atin. Nawa’y mabawasan, kung di man tuluyang maalis ang ating mga kahinaan. Nananalig ako na hindi tayo pababayaan ng Panginoon…tulad nang masinop na hardinerong nag-aalaga sa kanyang mga tanim, gagabayan niya tayo at kailanman ay di pababayaan…. hanggang sa maging hitik na hitik ang ating bunga. Amen.

  • APC Lulu Pechuela