Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 29, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Jn 11:19-27 (o Lc 10:38-42)

Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria upang makiramay sa kanila dahil sa pagyao ng kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Hesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hilingin mo sa Diyos, ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako ang muling pagkabuhay (at ang buhay). Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Naniniwala nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na dumarating sa mundo.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Sr. Aida Adriano ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Ano ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapanatagan ng loob sa harap ng kamatayan? Ang pagpanaw ng isang minamahal natin sa buhay ay nagdudulot ng matinding lungkot at sakit ng kalooban. Ito ang naranasan ko nang mamatay ang aking ina habang nasa misyon ako sa Lahore, Pakistan. Mas masakit sa akin dahil pandemic noon at hindi ako nakauwi. Subalit nanaig ang aking pananampalataya sa Panginoon, dahil sa pinagbigyan Niya ang aking hiling na huwag na sanang maghirap ang aking 98-year-old na ina bago pumanaw.

Si Martha ay naniniwala sa buhay na walang hanggan. Ang pagpanaw ng kanyang kapatid na si Lazaro ay hindi nakapagpabawas sa kanyang paniniwala sa buhay na walang hanggan. Kaya’t pinatunayan ni Hesus na Siya nga ang katotohanan at buhay. Isinugo Siya ng Ama upang talunin ang kasalanan at kamatayan. Ang paniniwala kay Hesus ay hindi nangangahulugang hindi tayo luluha, subali’t sa kabila nito ang katiyakan na may buhay na walang hanggan. Si Hesus ang nagbibigay ng bagong buhay, hindi lamang sa hinaharap, kundi ngayon na. Sinabi niya, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay, ay muling mabubuhay.”

Panalangin:

Panginoon, ikaw “Ang muling pagkabuhay at ang buhay”. Palakasin mo ang aking pananampalataya at pag-asa sa iyong pangako, upang ipalaganap ko ang kaligayahang dulot ng iyong Mabuting Balita. Amen.

  • Sr. Aida Adriano, fsp l Daughters of St. Paul