Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 24, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Juan 1:45-51

Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” “May mabuti bang galing sa Nazaret?” “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”: “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”

Pagninilay:

Nagtanong si Natanael, na kilala ring Bartolome: “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” Nag-alinlangan siya. Hindi siya agad naniwala. Pero sa halip na makipagtalo, inanyayahan siya ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.”

Napakaganda ng aral na ito. Hindi nagsisimula sa katiyakan ang pananampalataya. Madalas, nagsisimula ito sa pagiging bukas na lumapit kay Jesus. Hindi sinabi ni Felipe: “Maniwala ka agad.” Ang sabi niya: “Halika.” Hindi nakukuha sa pakikipagtalo kundi sa personal na karanasan ang tunay na pagkilala kay Kristo. Paglapit ni Natanael, nagulat siya sa sinabi ni Jesus: “Nakita na kita.” Bago pa man makilala ni Natanael si Jesus, kilala na pala siya ni Jesus.

Ganito rin tayo. Minsan iniisip nating walang nakakaunawa sa ating pinagdaraanan. May mga lihim tayong pagluha, mga takot na hindi masabi, at mga panalanging tayo lang ang nakakaalam. Ngunit bago pa natin hanapin ang Diyos, kilala na Niya tayo. Nakikita Niya ang ating puso, ang ating mga sugat, at ang ating mga pangarap.

Sa Kapistahan ni San Bartolome, tinatawag tayong maging tapat tulad niya. Sinabi ni Jesus na “walang anumang pagkukunwari” si Bartolome. Sa mundong puno ng pagpapanggap at pagbuo ng magandang image, hinahanap ng Diyos ang mga pusong totoo. Hindi perpekto, ngunit tapat.

At tulad ni San Bartolome, inaanyayahang tayong bigkasin rin natin: “Kayo nga po ang Anak ng Diyos.” Hindi lamang sa salita kundi sa paraan ng ating pamumuhay. Mga kapanalig, tanggapin natin ang paanyaya ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.” Lumapit ka kay Kristo araw-araw. Sapagkat kapag tunay mo Siyang nakilala, matutuklasan mong mas matagal ka na pala Niyang minahal, bago ka nagsimulang magmahal sa Kanya.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul