Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 15, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Juan 19: 25-27 o kaya Lucas 2: 33-35  

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

Pagninilay:

Sagad na sagad ka na ba dahil sa pinagdaraanan mo ngayon?  Kapag nagdarasal tayo ng Novena to Our Lady of Perpetual may mababasa tayo doon na mga katagang “….Sometimes, they almost crush us to the ground.” 

Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng kapistahan ng Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati o Our Lady of Sorrows na kung sagad na sagad ka na dahil sa mga pinagdadaanan mo, ipasa-GOD mo muna ang lahat ng ito. Pinapalalahanan tayo ngayon na kasama ang mga krisis sa realidad ng buhay. Tinuturuan tayo ng ating Mahal na Ina na kahit parte na ang mga krisis sa buhay, hindi natin dapat hinaharap ito nang mag-isa. Sa halip, harapin natin ang mga ito kasama ang Diyos.

Nais tayong damayan ng Diyos sa ating mga pagsubok. Sa ebanghelyo, kahit nakapako na si Hesus sa Krus, inaalala pa rin n’ya tayo. Kaya naman ibinilin tayo ni Hesus sa kanyang Ina sa pamamagitan ni San Juan. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi: “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.

Madalas nasasabi natin sa ating sarili: “Bakit ko pinagdaraanan ang mga pagsubok na ito? Mabuti naman akong tao.” Bago natin ito sabihin, tingnan natin si Maria at si Hesus. Si Maria na taong kagaya natin, at si Hesus na hindi lang Dios kundi tunay na tao, ay kailangan magdanas ng mga pagsubok sa buhay kahit wala silang bahid ng kasalanan.

Mga kapanalig, hindi man natin maintindihan lahat, isa lang ang sigurado: dinadamayan tayo ng Dios. Iniwanan din niya tayo sa pangangalaga ng isang Ina sa katauhan ni Maria.

Tandaan natin ang Simbahang walang presensya ni Maria ay isang simbahang abandonado. Ang presensya ni Maria ay tanda na hindi tayo iniiwan ng Dios. Kung feeling mo sagad na sagad kana dahil sa iyong mga pinagdaraaanan sa buhay, kagaya ng ginawa ni Maria, ipasa-GOD mo muna.

  • Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul