Ebanghelyo: Mateo 18: 21-35
Nagtanong naman si Pedro kay Hesus: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.”
“Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang.
“At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at nagsinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
… Ipinatawag ng Panginoon ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang kanyang utang.”
‘Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
Pagninilay:
“Unfair ka!” May nagsabi na ba nito sa iyo? Unfair ka siguro dahil may kabutihan kang natanggap at nang nagkaroon ka ng pagkakataong suklian ito, hindi mo ginawa, kahit kaya mo naman. Ang malala, sa halip na magpasalamat, nilait-lait mo pa ang iyong kapwa.
Sa talinhaga, unfair ang servant na kinaawaan ng hari, pero hindi naman naging maawain sa kanyang kapwa servant. Pinatawad ang malaking utang niya, pero nang siya naman ang hiningan ng kapatawaran, naging malupit siya. Parang tayo lang din siya.
Madalas unfair tayo sa kapwang humihingi ng taos-pusong kapatawaran. Hindi natin ito maibigay agad. Marami pa tayong demands. Minsan, ma-drama. Kailangan magbayad muna siya. Kailangan marinig muna natin ang kanyang pagsisisi. Mabuti na lamang at hindi natin kagayang mag-isip ang Diyos. Fair Siya. Sapat na sa Kanya ang pusong taos-pusong humihingi ng kapatawaran. Walang demand. Walang drama. Ang hinihiling lamang Niya ay mahalin natin Siya at matuto ring magpatawad sa ating kapwa. Sana sikapin natin laging maging fair, lalo na sa pagpapatawad, paninilbihan, at pagmamahal sa kapwa. Amen.
- Fr. Jk Malificiar, ssp l Society of St. Paul